Miyerkules, Nobyembre 11, 2020

 Teorya ng Pagtanggap at Pagbasa
Karen Y. Ramos

“The story is one that you and I will construct together in your memory. If the story means anything to you at all, then when you remember it afterward, think of it, not as something I created, but rather as something that we made together.”                           
―Orson Scott Card, Ender’s Game

 Image result for gestalt psychology

Batay sa pahayag sa itaas ng awtor na si Card ay mahalaga ang bahaging ginagampanan ng mambabasa upang maging matagumpay ang isang likha sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng kahulugan.  Ang istoya sa loob ng isang likha ay mabubuo sa pamamagitan ng relasyong ng manlilikha ng akda at ng mambabasa nito. Makikita rin sa itaas ang mga larawan. Pansinin ang mga ito. Sa unang tingin ay hindi mapapansin ang mga subliminal na mensaheng nakakubli sa mga larawan. Suriin ninyo ito ng mabuti. Mapapansin na may mga imaheng makikita mula rito na hindi makikita sa unang tingin dahil sinadya ito ng tagalikha. Sa pamamaraang ito ay nakalilikha nang mas malalamin na pag-iisip sa mga mambabasa ang pagbibigay interpretasyon sa mga idinagdag na mga imahe dahil sa isiping mayroong nais iparating ang tagalikha sa paglalagay ng mga ito. Bumubuo ito ng kuryusidad sa mga mambabasa.

Isang simbolikong order ang komunikasyon. Ayon kina Allen at Rodman (1997, p. 5), ginagamit ang mga simbolo upang kumakatawan sa mga bagay, ideya, at pangyayari upang maging posible ang komunikasyon. Sa pamamagitan ng pagbibigay-interpretasyon, maaring makabuo ang indibidwal ng mensahe o kaisipan.

Bawat nilalang ay kaiba sa isa’t isa at kaangkla nito ang pagkakaiba-iba ng hinuha at pagtingin ng tao sa mundo kaya masasabing magkakaiba rin ang tao sa paraan ng pagpapahayag at pag-unawa. Ang pagkakaiba-iba ng pagpapakahulugan ng indibidwal sa mga bagay-bagay ay ipinaliwanang ng teoryang pagtanggap at pagbasa na nagtatangkang ilarawan ang nagaganap sa isipan ng mambabasa habang binibigyang-kahulugan ang akda o teksto. Ayon sa teoryang ito ay kahulugan ng akda ay hindi iisa o dadalawa, ba maaaring magkaroon ito ng maraming kahulugan. Nagkakaiba-iba ng lebel ng subhektibidad ang mga kritiko sa kanilang pagtingin sa mga teorya ng interpretasyon tulad ng semiotika at hermenyutika. Sa teroya ng pagtanggap at pagbasa ay binibigyang pokus ang pansariling ideolohiya ng mambabasa. Malayang makapagbibigay-kahulugan ang indibidwal sa teoryang ito.

Ayon kay Varghese (2012), attention to the reading process emerged during the 1930’s as a reaction against the growing tendency to reject the reader’s role in creating meaning, a tendency that became a fixed principle of the New Criticism that dominated a critical practice in the 1940s and 1950s. Nabuhay ang pagbibigay nang malaking importansya sa proseso ng pagbasa lalong-lalo na sa pagbibigay ng pokus sa mambabasa bilang mahalagang elemento sa pagbibay ng kahulugan sa isang akda pagkatapos mapansing unti-unti nang nawawalan ng papel ang mambabasa dahil sa ibang pananaw sa kritisismong nagbibigay ng lubusang importansya sa obhektibidad ng teksto sa pamamagitan ng pagtingin sa kaisahan nito, intrinsikong pagsusuri sa akda at sa teknik ng malapitang pagbasa na tinitingna nag komleksidad ng teksto. Sa pamamagitan ng mga ito ay nawawala ang papel ng mambabasa bilang isang mahalagang salik upang magbigay ng kaniyang interpretasyon sa akda dahil ang tinitingnan ay ang istruktura at mga elemento nito.

            Makikita ang mga tatsulok na dayagram sa itaas. Ang una ay nagpapakita ng relasyon ng mambabasa, manunulat at ng teksto. Ayon kay Shklovsky, hindi imahen ang natatanging elementong nagtatatag ng tula; ang imahen ay isa lamang paraan sa paglikha ng pinakamalakas na posibleng impresyon, isa sa mga paraang retorikal na nagagamit upang lubusin ang epekto ng tula. Sa pagsusuri ng tula, hindi dapat magsisimula sa mga simbolo o metapora, na mga instrumento lamang ng epekto, kundi sa mga pangkalahatang batas ng persepsyon. Makikita sa pahayag na ito na sinasabing hindi lamang isang elemento ang bumubuo sa isang likha. Upang magkaroon ng kabuluhan ang isang tula ay kailangan ng tagatanggap na magbibigay ng interpretasyon nito hindi lamang sa isang mababaw na pamamaraan kundi sa pagsisid sa kabuuan ng tula. Mahalaga kung gayon hindi lamang ang manlilikha o teksto o mambabasa kundi lalo na ang kahuluhan.

            Makikita naman sa pangalawang dayagram ang dalawang hugis na bilog na nagrerepresenta sa teksto at mambabasa. Mapapansin ang intersection ng dalawang bilog na ito na bumubuo ng isang bilohaba na nagrerepresenta sa transakyon. Nagpapakita ang dayagram na ito sa proseso ng paglilikha ng kahulugan ng mambabasa sa teksto at kahulugan mula sa teksto patungong mambabasa. Kung gayon ay masasabing sinakop ito ng interaktibong teroya ng pagbasa na may dalawang direksyon ng komprehensyong itaas-pababa at ibaba-pataas. Dito nagaganap ang interaksyong awtor-mambabasa at mambabasa-awtor. Tinatawag din itong bi-directional.
            Ipinaglalaban ng teoryang ito ang kahalagahan ng mambabasa sa pag-intindi ng isang akda na hindi binigyang pansin ng mga ibang teorya tulad ng Formalismo, Istrukturalismo, Marxista at iba pa. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng ostranenie sa teoryang ito dahil ang mga masyadong pamilyar na ideya ay ginagawang kakaiba upang magkaroon ng mas malalim na pag-intindo rito. Inilalarawan din sa teoryang ito ang penominolohiya ng pagbabasa na nagpapaliwanag sa pagbabago-bago ng desisyon ng mambabasa habang siya nagbabasa.
            Tinitingnan ang lahat sa teoryang ito pati na ang panahon at lipunang ginagalawan ng may-akda habang isinusulat niya ang akda. Sa pamamagitan nito ay maiintindihan nang mabuti ang kaniyang naisulat at mas mabibigyan ito ng kahulugan. Sinasabi rin na ang pagtatagumpay na pagpapakahulugan sa isang ideya ay kapag ibinabatay ito sa iba-ibang salinlahi dahil sa pamamagitan nito ay mas makabubuo ng isang ideyang mula sa iba-ibang pagpapakahulugan dahil hindi iisa o dadalawa ang pagpapakahulugan. Ito ay marami.
            Sumasaklaw ito sa magkaibang metodolohiya ng Formalismo at Marxismo. Kung sa Formalismo ay labis ang interes sa estetiko, sa Marxixmo naman ay sentral ang konseptong historikal. Bagamat pinakasentrong konsepto ng teoryang pagtanggap at pagbas ang relasyon ay ginawa rin nitong basehan ang konsepto ng orisante ni Jauss sa pagbubuklod sa kasaysayan at estetiko upang mas maunawaan ang akda.
            Ang pag-intindi rin sa isang akda ay nagsasabi at nagtatakda ng identidad ng bumabasa nito. Nagsasabi sa identidad dahil ang pag-unawa ng bata sa matanda ay hindi magkatulad. Masasabi na kaniyang pagbibigay ng kahulugan ay hindi maitutulad sa pagbibigay ng kahulugan ng mas matanda sa kaniya dahil ito sa mga karanasan na naiuugnay ng mas matanda sa pagbabasa na hindi magawa ng mas bata sa pagbibay niya ng kahulugan sa binabasa. Nagtatakda sa identidad dahil hindi ito babasahin ng mas matanda kung hindi niya ito maiintindihan kaya masasabi na may sapat na siyang kaalaman sa binabasa. Sa kaso ng mas bata ay hindi niya ito babasahin dahil wala siyang interes dito dahil wala sa kaniyang iskima ang babasahin subalit maari niya itong basahin para magkaroon siya ng ideya at ang ideyang ito ay kaniyang magiging karanasan. Ang karanasan niya sa pagbabasa ay isang danas na maiimbak sa kaniyang iskima na magagamit niya at magbabago habang nadaragdagan sa tuwing nagbabasa siya at nagbibigay ng pagpapakahulugan.
            Balikan natin ngayon ang tatlong larawang nasa itaas. Sa unang larawan ay makikita ang isang ulo ng lalaki. Kapag tititigan nang mabuti ay makikita ang isang babae na nakahiga na ginawang parte ng ulo ng lalaki. Sa pangalawang larawan ay makikita ang isang sirenang ginawang anyong tubig. Kung susuriing mabuti ay makikita na ang anyong lupa na nasa larawan ay mga pigura ng isang lalaki at iba pang nakamasid. Sa huling larawan ay makikita ang isang puno at taong nakatayo sa ilalim nito. Kung susuriin din ito nang mabuti ay makikita na ang kalangitan ay pormang ulo ng babae. Kung susuriing mabuti ang mga larawan sa itaas ay mayroon itong pagkakatulad dahil parehong nangingibabaw ang pagpapakita sa kapangyarihan ng babae. Sa unang larawan ay ginamit ang ulo ng lalaki upang iparating na laman ng ulo ay ang pag-iisip sa isang babae. Maaari ring nais nitong iparating na ang lalaki ay mukhang babae. Sa pangalawang larawan ay ang pagdaloy ng tubig sa lupa upang hindi ito manuyo nang sobra dahil makikitang wala man lang mga halaman ang tumubo sa lupa. Nais din nitong iparating ng kailangan ng lalaki ang babae. Ipinaparating sa huling larawan ang inang kalikasan na siyang nakamasid sa mga ginagawa ng mga tao sa mundo.
            Ang pagbibigay ko ng interpretasyon sa mga larawan sa itaas ay mas magiging mahusay kung kikilalanin ko ang mga gumawa ng mga ito. Tulad din ito sa ginagawa natin bago tayo nag-uulat ng isang paksa. Halimbawa ay iuulat ko ang lektyur na ginawa ni Vilma Santos sa U.P. Gawad Plaridel. Hindi ko ito maiintindihan kung hindi ko sasaliksikin kung sino si Vilma at ano ang kaniyang kasalukuyan ginagawa. Ganoon din ang mangyayari sa pag-intindi ko sa mga tula ni German Gervacio. Mas magiging mahusay ang interpretasyon kung kikilalanin ang gumawa nito.  Ang mga larawan sa itaas ay kuha mula sa Google at makikita ito bilang bahagi ng Gestalt Psychology na napatutungkol sa teorya ng biswal na persepyon.
            Malinaw na sa teorya ng pagtanggap at pagbasa ay malaki ang papel na ginagampanan ng mambabasa pati na nag relasyon s apagitan ng mambabasa, manunulat at teksto. Nagtatagpo ang mambabasa at manunulat sa pamamagitan ng teksto naparehong binibigyan nila ng kani-kanilang interpretasyon. Sa pamamagitan din ng teoryang ito ay maiintindihan ang pagkakaiba-iba ng interpretasyon ng mga tao sa isang akda, bagay o pangyayari dahil maaring ang interpretasyon niya ay bunga ng kaniyang kapaligiran. Maaari ring ang pagbibigay niya ng kahulugan ay bunga ng kaniyang mga naging karanasan at maituturing na salik na personal. Ang interpretasyon din ay nakabatay at tumtuukoy sa indentidad ng isang tao. Sa kabuuan, ang teoryang pagtanggap at pagbasa ay kombinasyon ng mga teoryang nauna sa kaniya na sa tulong ng mga ito ay nabuo ang isang pagdulog na makapagbibigay paliwanag sa kabuuan ng isang akda.

Reperensya

Reyes, S. 1992. Kritisimo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan. Pasig, Metro Manila: Anvil Publishing, Inc.

Mga larawan

  1. https://www.google.com.ph/search?q=gestalt+psychology&biw=1366&bih=613&source=lnms&tbm=isch&sa=X&sqi=2&ved=0ahUKEwiW44_yjabQAhWMi5QKHTlpBAAQ_AUIBigB#imgdii=LgMqfoF0rL0otM%3A%3BLgMqfoF0rL0otM%3A%3BrKKvPp8dCQWUhM%3A&imgrc=LgMqfoF0rL0otM%3A
  2. https://www.google.com.ph/search?q=gestalt+psychology+paintings&biw=1366&bih=613&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwia8v-yjKbQAhUKkJQKHSA2BfoQ_AUICCgB#imgrc=mfMJVAMWUBnCqM%3A
  3. https://www.google.com.ph/search?q=gestalt+psychology+paintings&biw=1366&bih=613&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwia8v-yjKbQAhUKkJQKHSA2BfoQ_AUICCgB#imgrc=nwL9NZg_Y16YVM%3A

Lunes, Enero 30, 2017

Seducing the Voters: The Powerful and Limited
Effects of TV Electioneering (Portus)
Karen Y. Ramos
          karen_ramos@dlsu.edu.ph

Sa pag-aaral na ito ay tinalakay ang mga pang-aakit ng mga politiko sa kani-kanilang mga botante. Nilayong malaman dito ang epekto ng pangangampanya ng mga politiko sa pamamagitan ng midya.

Nagpapahiwatig ang beses ng pagpapalabas ng mga impormasyon sa telebisyon, radyo, lathalaan at maging sa Internet sa kahalagahan ng mga paksa nito na ayon kay McCombs (2004, p. 2), ang kaalaman tungkol sa mundo ay bunga ng mapagdesisyunan ng midyang malaman ng mga tao. Nagagawa ng midyang makuha ang atensyon ng publiko upang makuha an g kanilang interes at mapag-usapan nila ang isang isyu. Dagdag pa niya na makaaapekto nang malaki sa priyoridad ng publiko ang priyoridad ng midya dahil nagiging mahalaga sa kanila kung ano ang mahalaga sa midya. Namumulat ang isipan ng publiko sa paulit-ulit na paglalantad ng mga impormasyong inihahatid ng midya. Mabubuo ang kanilang interes partikular na sa mga paksang parating inilalabas sa midya at pinag-uusapan na kadalasan ay mga isyu sa lipunan. Karamihan sa mga isyung panlipunan ay inilalantad ng midya sa pamamagitan ng mga palabas sa telebisyon na kinahihiligang panoorin ng mga tao.  Ang mga isyung panlipunang ito ay mas pinag-uusapan tuwing sumasapit ang halalan. Sa pamamagitan ng iba’t ibang estratehiya ng mga kandidato ay naipararating nila ang nais nilang iparating lalong-lalo na sa paggamit nila ng mga pulitikal na patalastas.

Ang midya ay ang posisyon o kalagayang namamagitan upang siyang magdala o maghatid ng mensahe o impormasyon (Gaboy, 2008). Ang midya ay industriya na pangunahing layunin ay maabot ang maraming mambabasa ng diyaryo at magasin, manonood ng sinema at telebisyon, at tagapakinig ng radyo. Hindi maiiwasan ang paggamit ng iba’t ibang uri ng midya tulad ng babasahing pampahayagan, pinapanood sa telebisyon, pinakikinggang musika at programa sa radyo, at ang Internet sa pang-araw-araw lalo na ngayong nakikisabay sa mabilis na pagbabago ng pamumuhay ang teknolohiya. Ang mga midyang ito ay magbibigay ng impormasyon sa isang mabisang pamamaraan na makaiimpluwensya sa mga taong gumagamit o komokunsumo nito sapagkat bahagi ang midya sa sosyal na interaksyon sa pang-araw-araw na bahagdan ng buhay.

Nagbigay si Solis ng paliwanag tungkol sa ugnayan ng midya at pamumuhay ng tao sa kaniyang lipunan. Ayon sa kanya, Media and culture are have become inextricably linked, such that the way we understand ourselves and create meaning in society nowadays is imperceptibly shaped by media, in the same way that we also intentionally assign the roles of media in maintaining social structure (mula sa Campos, Pangilinan, Solis at Tolentino, 2014, p. 22). Tulad ng wika at kultura, batay sa pahayag, ang midya at kultura ay magkabuhol. Malaki ang ginagampanang papel ng midya sa lipunan sapagkat hinuhubog nito ang kamalayan ng mga taong komukonsumo nito. Ang pamumuhay ng tao at kanyang pakikisalamuha sa kapwa ay maaaring lipunang likha ng midya.

Ginagawang libangan ng mga tao ang midya tulad ng telebisyon na ayon kay Aranda (2014) ay nilalaanan nila ng mahabang oras upang panoorin ang paborito nilang teleserye. Ang mga oras na iginugol nila sa paglilibang ay nagdudulot ng positibo at negatibong epekto sa kanilang pag-iisip at pag-uugali kaya masasabing napakalaking impluwensya ang naibibigay ng midya sa lipunang Pilipino. Maliban sa mag teleserye ay kinahihiligan din ng mga tao ang panonood ng mga kompetisyon sa pagkanta, pagsayaw, at maging sa reality show. Kinawiwilihan ng mga tao ang panonood sa mga ito lalong-lalo na kung kilala nila o nagugustuhan nila ang mga tampok na ayon kay Pertierra (2014, p. 158) ay kompetisyon sa popularidad ang tumutukoy ng lahat mula sa mga reality show patungong eleksyon sa pagkapangulo.

Ayon kina Kliatchko, Khan, Ocampo, Pascual at Pernia (2003, p. 116), pinipili ng mga Pilipino ang mga mamumuno batay sa personalidad at kasikatan at hindi nila gaanong binibigyang pansin ang kayang nitong gawin pati sa kung ano ang alam ng mga ito. Dahil dito, binabago ng midya ang mga balita, kwento at lahat ng lumalabas na isyu na makatutulong upang makabuo ng mas matalinong masa na interesado sa mga kandidato (mula sa Campos, Pangilinan, Solis at Tolentino, 2014). Maliban sa pagiging libangan, gampanin ng midya ang magsilbing daluyan ng paghimok at gabay sa mga mahahalagang pangyayari sa lipunan tulad ng eleksyon. Mahalaga ang eleksyon sa demokrasya ng bansang tulad ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito, pipili ang mamamayan ng kandidato at partido na sa tingin nila ay makatutulong ng malaki sa kanilang bansa.

Inilarawan naman nina Branstetter, Fowler at Ridout (2012) ang pagbabagong hatid ng midya sa pulitika na malaki ang pagbabago sa paraan ng pakikipagkumunikasyon kung ikukumpara ito noon lalong-lalo na sa pulitika. Binabago ng midya ang tradisyunal na pamamaraan ng mga kandidato sa pangangampanya tuwing darating ang eleksyon. Ang uri ng paghahatid ng mensahe ng mga kandidato upang sila ay suportahan at iboto ay sumasabay sa mabilis na pagbabago ng lipunang at midya. Noon ay personal na nangangampanya ang mga kandidato dahil sila mismo ang pumupunta sa isang lugar at bahay-bahay ang pagdalaw upang manghimok ng mga botante. Ang pagdayo ng mga kandidato sa mga lugar ay sinasabayan ng pagpapaskil ng mga poster at campaign paraphernalia na sumusuporta sa kani-kanilang kandidatura.

Ang pangunahing midyum ng pulitika sa pangangampanya upang makakuha ng suporta ay ang patalastas na ayon pa rin kina Branstetter, Fowler at Ridout (2012, p. 2) ay kadalasang 30-60 seconds lamang na ipinapalabas sa telebisyon upang maghatid ng impormasyon tungkol sa plataporma ng kandidato, kuwento ng buhay, at ang lamang nila sa kanilang mga kalaban sa magiging puwesto. Sa paghahanap ng paraan upang mangampanya, malaki ang naitutulong ng midya sa pamamagitan ng Internet. Umaabot na ngayon ang pangangampanya sa Internet dahil sa pagtangkilik ng mga Pilipino partikular na ang kabataan sa mga social networking site tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at Youtube.

Ayon kina Capadocia, Gayosa, Rivera, Roselo at Vichangco (2008, p. 73), malaki ang ginagampanang papel sa kalalabasan ng eleksyon ang pagsubaybay ng mga tao pamamagitan ng mga inihahatid ng midya at ang kaalaman ng mga tao sa mga mensahe nito (mula sa Campos, Pangilinan, Solis at Tolentino, 2014, mga pahina 72-82). Ang tagumpay sa pangangampanya ng kandidato ay makikita lamang pagkatapos ng eleksyon na tutukoy sa kanilang kapalaran. Dalawa lang ang patutunguhan ng pangangampanya nila, manalo o matalo. Masasabing malaki ang naitulong ng pangangampanya kapag nanalo ang kandidato sa eleksyon.

Pinaghahandaan ng mga pulitiko ang eleksyon na isang taon bago ito ay nagsisimula na ang kani-kanilang pangangampanya para sa tatakbuhang posisyon. Ayon kay Encabo (2010, p. 1), kadalasan ay makikita sila sa mga mahahalagang pagtitipon tulad ng mga piyesta, komperensya at iba pang okasyon gaya ng araw ng pagtatapos na minsan ay sila ang ispeker. Maliban sa mga nabanggit ay nagpapaskil din sila ng mga banner at streamer na nilalagyan ng kanilang mga pangalan. Ang iba sa mga kandidatong ito ay lumalabas sa telebisyon upang mag-endorso. Gayundin, laman ng mga balita ang tungkol sa mga kandidato tuwing panahon ng pangangampanya. Makikita ang mga kandidato sa iba’t ibang programa sa telebisyon at sa mga pulitikal na patalastas.

Upang malaman ang mga pamamaraan ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya ay nagkaroon ng pag-aaral dito si Portus (2008). Nilayon ng kaniyang pag-aaral ang malaman ang lawak ng kapangyarihan ng midya partikular na sa eleksyon. Nilayon din nitong malaman ang dahilan ng pagkatalo ng ibang personalidad sa kanilang katunggali kahit pareho silang mayroong exposure. Nais din nitong malaman ang impluwensya ng ibang faktor kung mayroon man.

Napag-alaman na walang kasiguraduhan ang exposure ng kandidato sa telebisyon upang manalo sa eleksyon. Maraming kandidato ang natatalo sa kabila ng exposure nila rito katulad ni Rudy Fernandez na isang aktor at lumalabas sa kaniyang programang Kasangga, Lumalabas sa sarbey na panghuli siya kahit na lumalabas siya sa kaniyang programa at mayroong exposure. Nagpapakita ito na hindi binibigyan ng puntos ang kaniyang sikat na imahe sa telebisyon bilang aktor kung ikukumpara ito sa kaniyang kakulangan ng kwalipikasyon. Sinabi ni Portus na maaaring sabihing pinakamahusay na midyum ang telebisyon sa pangangampanya, ngunit magiging epektibo lamang ito kung sasabayan ng ibang faktor tulad ng mahabang exposure, magandang imahe, edukasyon, mga nagawa na, at magandang reputasyon.

Batay sa pag-aaral na ito ni Portus (2008), alam ng mga tao ang dahilan ng paglabas ng mga opisyal at mga kandidato sa telebisyon. Batay sa sarbey at interbyu na ginawa ng mananaliksik ay hindi na ignorante ang mga tao sa pamamaraan ng mga politiko sa paglalabas nila sa telebisyon. 85% ang nagsabi na nagpapalabas ang mga politiko upang ipakita ang magandang imahe, 75% ang nagsabi na nangangampanya ang mga politiko sa paglalabas sa telebisyon, 70% ang nagsabi na ito ay para sa susunod na eleksyon, 47% ang nagsabi na upang magbigay ng impormasyon at 28% ang nagsabi na upang gastusin ang pera ng mga tao. Ang tatlong unang mga rason ay tinukoy ni Portus na electioneering na nagsasabi lamang na pinakamotibo ng mga kandidato ang pangangampanya sa kanilang paglabas sa telebisyon. Dahil sa kapangyarihan ng teknolohiya, ginamit ito ng mga kandidato sa eleksyon noong May 2001 at sa mga susunod pang eleksyon, ayon pa rin kay Portus.Sa pamamagitan ng sarbey na ito ay masasabi nating mulat na ang mga tao at hindi na sila nauuto. Nakatatawa ang nagsabing upan gastusin ang pera ng mga tao subalit ipinapakita nito ang lipunang mayroon ang Pilipinas ngayon. Hindi na nauuto. Marunong nang magmatyag.

Ginamit ni Portus ang mga teoryang Agenda-Setting at Limited Effects, nalaman sa pag-aaral na maaring gamitin bilang makapangyarihang pamamaraan ng pangangampanya ang TV dahil nakaiimpluwensya ito sa mga botante. Ang mga nakaiimpluwensyang faktor ay ang haba ng exposure sa TV at ang magandang imahe ng mga kandidato. Mayroon ding iba pang kwalipikasyon tulad ng edukasyon, mga nagawa na, at ang magandang reputasyon na ikinokonsidera ng mga botante para sa mga kandidato. Ayon sa pag-aaral, upang maging matagumpay sa eleksyon, nangangailangan ang kandidato nang higit pa sa kaniyang paglabas sa mga programa sa telebisyon. Ang Limited Effect dito ay ang ang hindi garantisadong pagkapanalo ng kandidato sa pamamagitan ng exposure sa TV dahil sa teoryang ito ayon kay Lazarfeld ay mas mahalaga pa rin ang edukasyon at estado ng pamumuhay ng tao. Ibig sabihin ay ang resulta sa eleksyon sa pagpili ng mg tao ng kandidato ay hindi lamang nakabatay sa kanilang exposure na hatid ng midya kundi dahil din sa ibang faktor na hindi lamang tungkol sa mga kandidato kundi sa mga boboto.
Base sa sarbey ay nagsabi ang lahat na boboto sila kay Legarda o Cayetano para sa senator. Habang ang may mabababang kita ay nagsabing boboto sila kina Joseph Estrada, Ramon Revilla at Robert Jaworksi. Sina Estrada at Revilla ay pawang mga kilalang personalidad sa telebisyon, habang si Jaworski ay isang kilalang basketbolista.  
Gayundin, ang lahat ay nagbigay kay Legarda ng pinakamahusay na performance rating na sinundan naman ni Lim at Cayetano. Marami nang nagawa si Legarda ayon sa mga respondent upang bigyang paliwannag ang kanilang sinabi. At ayon sa kanila ay epektibo si Lim sa pagpapatupad ng batas, habang sinabi nila na matalinong abogado si Cayetano. Ang pareho ring nagbigay kay Legarda ng mataas na performance rating ay nagbigay ngayon ng worst performance rating kay Estrada dahil sa kaniyang poor performance at indecisive; kay Jaworksi para dahil siya ay image-conscious at kay Revilla para sa kaniyang absenteeism sa mga sesyon mmg senado. Ang pagbibigay ng poor rating sa performace ni Estrada ng mga nasa mataas at gitnang uri ay dahil sa kakulangan ng kanilang satisfaksyon sa kaniyang ginagawa. Nagpapakita ito na ang mas taong nasa ganitong uri ay mas tumitingin sa positibong kwalipikasyon ng kandidato tulad ng edukasyon, mga nagawa na at reputasyon.
Ang mga grupo ng propesyunal, industriyalista at kababihan ay nagbigay kay Lim ng mas mataas na rating kaysa kay Legarda. Nagpapakita ito ng satisfaksyon sa mga ginagawa ni Lim noong siya ay DILG secretary pa lamang. Ang mga grupo ring ito ay nagbigay ng poor performance rating kina Revilla at Jaworski. Sa Manila, iboboto ng mga kumikita ng mababa si Imelda Marcos kung tatakbo siyang Mayor, habang ang kumikita ng mataas ay nagsabing iboboto nila si Lim.
Maaaring midya lang ang tanging paraan upang maging konektado ang pamahalaan at mga tao sa lipunan. Dahil dito, ipinakilala nina McCombs at Shaw ang Agenda-Setting Theory at sinabing midya lamang ang tanging may kontak sa pulitika (1972).

Ang teoryang ito ay mula kina McComb at Shaw noong 1972. Ayon sa teorya, ang midya ang gumagawa ng agenda upang sundin ng publiko. Lahat ng bagay na ating iniisip, pinagkaaabalahan at isyung pinag-uusapan, ay base sa ating mga naririnig at nababasa mula sa iba’t ibang midya. Nagagawa ng midya na kunin ang ating atensyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga isyu; ipinaparating nila sa atin na mas importante ang isyung ito kompara sa iba pang isyu sa lipunan. Ang pagtukoy ng midya sa mga pulitikal na isyu at ang atensyong ibinibigay rito ay siyang gumagawa ng agenda para sa pampublikong diskusyon. Midya ang pumipili kung alin ang mas importante at mahalagang malaman ng publiko. Ang katotohanang alam ng mga tao tungkol sa mga isyung panlipunan ay iyong ipini-presenta ng midya. Ang paggawa ng mga kandidato ng mga pulitikal na patalastas at pagpapalabas ng mga ito ay lumilikha ng imahe sa isipan ng mga boboto.

Nalaman din sa pag-aaral na ginagamit ang TV para magkaroon ng antisipasyon ang mga botante sa eleksyon kaya nagkakaroon nang sunod-sunod na pagpapalabas ng mga mga pulitikal na patalastas sa mga programang panserbisyo, talk show, informercials, at iba pang proyekto sa telebisyon buwan bago ang eleksyon. Pinatunayan din ng pag-aaral ang paniniwala na ang matagalang exposure sa telebisyon ay nagdudulot ng name-recall sa mga botante.

Minsan nang nanguna ang mga personalidad na parating lumalabas sa telebisyon tulad nina Sotto (199), Legarda (1998), De Castro (2001), Roxas (2004) at Legarda (2007) subalit batay sa pag-aaral ni Portus ay hindi sukatan ang paglalabas ng mga kandidato sa telebisyon upang botohan dahil magiging matagumpay lamang ito kung sasamahan ng ibang faktor na tinatawag na packaging. Ang packaging ay ang faktor tulad ng edukasyong natamo ng kandidato, family background, mga nagawa na, ugali at iba pa na nagpapakita ng positibo para sa kandidato. Kaya ang pagkapanalo ng mga nabanggit ay masasabing hindi lamang sa populariad kundi maituturing na isa lamang ang popularidad bilang faktor. Hindi maitatanggi ang kapangyarihan ng telebisyon bilang instrumento ng mga kandidato sa pangampanya. Subalit sa kabilang dako ay malaki rin ang nagagawa nito upang mabago ang desisyon ng mga botante lalong-lalo na sa mga negatibong balita tungkol sa mga kandidato.

Reperensya

Aranda, R. R. (2014). Ang Pamilya sa Loob ng mga Teleserye sa Telebisyon. Naipresenta sa DLSU Research Congress. De La Salle Univeristy: Manila, Philippines. Mula sa http://www.dlsu.edu.ph/conferences/ dlsu_research_ congress/2014/ _pdf/proceedings/WCF-002-FT.pdf

Branstetter, J., Fowler, E. F., at Ridout, T. (2012). Political Advertising in the 21st Century: The Influence of the YouTube Ad. Western Political Science Association. Portland, Oregon. Mula sa https://wpsa.research.pdx. edu/ meet/2012/ridout.pdf

Campos, P., Pangilinan, C., Solis, R., at Tolentino, R. (2014). Communication & Media Theories, eds. The University of the Philippines Press. UP Campus, Diliman, Quezon City.

Encabo, E. A. (2010). The Filipino Language and Culture in Political Advertisements. DLSU-Manila. Naipresenta sa 2nd Conference on Filipino as a Global Language. Hilton Hotel, Mission Valley, San Diego California. January 15-18, 2010. Mula sa https://larc.sdsu.edu/ images/ larc/encabo-the-filipino-language-and-culture-in-political-advertisements-.pdf

Gaboy, L. L. (2008). Gabby’s Practical English-Filipino Dictionary. Mandaluyong City, Philippines: National Bookstore.
Khan, R. E., Kliatcho, J. G., De Ocampo, M. L. C., Pernia, E. E., at San Pascual, M. R. 2014. The Rise of the Presidency of Corazon Aquino and Gloria M. Arroyo. P. Campos, C. Pangilinan, R. Solis, at R. Tolentino (Mga Ed.), Communication and Media Theories (mga pahina 106-117). UP Campus, Diliman, Quezon City, Philippines.

McCombs, M E. at Shaw, D. L. (1972). The Agenda-Setting Function of Mass Media. Mula sa http://www4.ncsu.edu/~amgutsch/Mccombs.pdf

McCombs, M. E. (2004). The Agenda-Setting Role of the Mass Media in the Shaping Public Opinion. http://www.infoamerica.org/documentos_pdf/mccombs 01.pdf

Pertierra, P. (2014). Etheric Exchange and Heterotopic Technologies. Sa P. Campos, C. Pangilinan, R. Solis, at R. Tolentino (Mga Ed.), Communication and Media Theories (mga pahina 153-162). UP Campus, Diliman, Quezon City, Philippines.

Portus, L. M. (2008). Seducing the Voters: The Powerful and Limited Effects of TV Electioneering. Plaridel, 5(2). https://www.google.com.ph/?gfe_rd=cr&ei=x8Oqwpl VDLHf8 AeloJH4Bw&gws_rd=ssl#q=plaridel+philippine+journal.

_______ mediaif.emu.edu.tr/pages/hanife/comm205/week%205.ppt

Miyerkules, Enero 25, 2017

lipunang pilipino at pelikulang pilipino
(Kinakaharap at Hinaharap ng Industriya
ng Pelikulang Pilipino ni Vilma SANTOS)
Karen Y. Ramos

Si Vilma Santos (Ate Vi) ay Maria Rosa Vilma Tuazon sa totoong buhay.  Ipinanganak siya noong Nobyembre 3, 1953 sa  Galang's Maternity Clinic sa Trozo, Magdalena, Tondo Manila. Siya ay anak nina  Amado Santos na tubong Bamban, Tarlac at  Milagros Tuazon na tubong San Isidro, Nueva Ecija. Bata pa lamang si Vilma Santos ay hilig na talaga niya ang pag-arte sa harap ng maraming tao at ito'y nasa dugo na niya kaya naman hindi maitatanggi na napakahusay niya at dekalibreng aktres na siya ngayon kaya naman siya ay tinawag na "STAR FOR ALL SEASON". Siya ay dating punong bayan ng Lungsod ng Lipa na itinuturing kauna-unahan na nanalong babaeng punong bayan sa nasabing lungsod at kasalukuyang gobernadora ng probinsya ng Batangas. Si Vilma Santos ay kasalukuyang asawa ni Senador Ralph Recto at may dalawang anak na lalaki na ang pangalang ay Ryan Christian Recto at Luis Manzano na anak niya sa dating asawa na si Edu Manzano. Nagumpisa ang pag-aartista ni Vilma Santos noong pinilit siya ng kanyang Tito na cameraman sa Sampaguita Pictures na mag-odisyon sa Trudis Liit na gawa o hawak ng Sampaguita Pictures. Nakuha nya ang bidang karakter na si Trudis Liit at nag-uwi ng gantimpala bilang "Best Child Performer for 1963" at doon ay nagsimula na ang kabila't kabilang pagkuha sa kanya sa pelikula bilang bida na talaga namang tinangkilik ng mga manunuod (Canedo, 2012).

Ibinahagi ni Vilma Santos ang kaniyang mga naging karanasan sa pagsisimula sa industriya ng pelikulang Pilipino sa ibinigay niyang lektyur sa ginanap na U.P Gawad Plaridel. Ibinahagi niya rin ang mga tulong na naibigay sa kaniya ng mga director, kapwa aktor., mga staff at mga prodyuser. Pinasalamatan niya ang mga manonood na sumuporta sa kaniya. Ang lektyur na ibinigay ni Vilma Santos bilang 2005 awardee ng U.P. Gawad Plaridel ay napatutungkol din sa probemang kinakaharap ng mga pelikulang Pilipino.
Ayon sa Newsbreak, noong 1971 ay nakagagawa ng 251 na pelikula ang mga prodyuser sa bansa. Subalit, ayon sa Film Academy of the Philippines, halos 164 pelikula lamang taon-taon ang nagagawa mula 1996-1999 at bumababa pa ito sa mga 82 pelikula taon-taon noong 2002 hanggang 2003.
Sabi niya na noong 2004 ay 55 pelikula na lamang ang nagawa ng mga prodyuser. At hindi lahat ng pelikulang ito ay kumita. Maraming dahilan kung bakit paunti nang paunti ang gumagawa ng pelikula. Ibinigay niya ang sumusunod:

  1. Halos 50% ang pinapatong na buwis
  2. Hindi pa naipalalabas ang mga pelikula ay napapanood na ito sa mga pirated CDs at DVDs
  3. Mahal na ang tiket. Noong nagsimula pa si Vilma ay 7.50 lang ito at nakikita na lamang ang sine sa mga mall. Wala na ang mga sinehang pangmasa. Nagmahal na rin ang pamasahe at nagmahal ang mga pagkain sa mall.
  4. Matindi ang kompetisyon dahil lalong tinatangkilik at mas kumikita ang mga dayuhang pelikula. Ang Spiderman 2 ay kumita ng 27 milyong piso sa unang araw pa lamang nito.
  5. May mga prodyuser na itinutuon ang pansin sa pag-import ng mga dayuhang pelikula dahil mas madali, mura at mas malayo na malugi.

Ano ang nangyayari sa huli?
Maraming kababayan ang nawawalan ng trabaho, mula direktor, aktor, manunulat, teknisyan, hanggang sa mga maliliit na manggagawa katulad ng mga ekstra, karpintero, pintor, at mga mananahi na kailangan sa production design. At sino ang nabibigyan ng trabaho? Ang kumikita ay ang mga taga-ibang bansa. Subalit sa kabila nito ay sinabi ni Vilma Santos na masasalba pa ang industriya. Ayon sa kanya ay dapat pag-aralan ng pamahalaan kung paano mababawasan ang buwis na ipinapataw rito. Napakabigat nito at napakataas na at pataas pa nang pataas ang production cost ng paggawa ng pelikula. Kailangang pag-aralan ng pamahalaan ang paglalagay ng regulasyon sa pagpasok ng mga dayuhang pelikula. Hindi pipigilan ang kanilang pagpasok ngunit kailangang bigyan ng priyoridad ang sariling produkto.
Kailangan ding paghusayan ang mga istorya sa paggawa ng pelikula na mataas ang kalidad, maipagmamalaki, nakikipagsabayan at kinikilala sa ibang bansa. May pag-aasa, ibubuga. Pero iilan na lamang sila. Sinabi pa ni Vilma na handa niyang babaan ang kaniyang talent fee. Ang kondisyon niya lang ay kailangan muna niyang makita ang iskrip. Sa Lipa, nagpasa sila ng batas na nagbabawas ng amusement tax mula 30%-15% sa lahat ng pelikulang Pilipino. Ipinahihiwatig ni Vilma rito, para sa mga aktor, na matutong sumuri sa mga gagampanang papel at hindi basta-basta na lamang tumatanggap dahil para naman ito sa ikabubuti ng pangalan ng industriya ng paggawa ng pelikula. Maaaring sa pamamagitan nito ay mapaghuhusay niya ang kaniyang pagganap dahil pinakauna ay mas magandang gawin ang bagay na iyong gusto. Dito ay maipapakita ang galing ng tagaganap.
Ang buhay na ikabubuhay ng pelikulang Pilipino ay nasa kamay ng mga Pilipino rin. Gingawa ang pelikula hindi para ilagay sa isang kahon kundi upang panoorin ng mga tao upang makapagbigay ng inspirasyon at makapagpapaunlad sa kanilang pamumuhay.  May responsibilidad na ginagampanan pati ang pamahalaan at prodyuser. Ito ay para sa pagbibigay ng suporta uporta sa paggawa ng pelikula. Nakakatawang isipin pero tulad ng sinabi ng award-winning na filmmaker na si Pepe Diokno ay maaring ang dahilan ng kawalan ng suporta ng pamahalaan sa mga paggawa ng pelikula ay dahil nakikita lamang nilang ang industriyang ito ay para makapagbigay lamang ng kasiyahan. Ikinompara niya ang paggawa ng pelikulang Pilipino na kiukuhanan ng tax sa pagbibigay ng pundo para sa paggawa ng pelikula sa mga bansang Korea at Pransya. Isa pa ay kinakailangang sa mga bansang ito ay ipinalalabas ang mga lokal na pelikula.
Sa pelikula nagkakatagpo-tagpo ang iba’t ibang uri ng sining- ang panitikan, performing arts, musika, potograpiya, at iba pa. Kaya mabisang paraan ito sa pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan sa mga tao. Malakas ang impluwenysa ng mga pelikula sa buhay ng tao dahil dito nila, kadalasan, idinidikit ang mga desisyon nila sa buhay. Marami at mabigat ang problema ng industriya ng pelikula sa Pilipinas. Marami at mabigat ang mga problemang kinakaharap ng mga mamamayan at ng pamahalaan, na ang iba ay masasalamin sa mga pelikula. Kailangang kumilos para sa ikabubuti nang higit na nakararami. Bilang pagtatapos ay ibinigay niya ang linya niya sa Sister Stella:
Marami pa akong hindi alam at dapat malaman tungkol sa mga kasalukuyang kalagayan ng mga sistema ng lipunan. Kailangan ko pang patuloy na mag-aral at matuto. Pero ang mahalaga, ako ay narito na ngayon, hindi na lamang nanonood, kundi nakikiisa sa pagdurusa ng mga nakakarinig, tumutulong sa abot ng aking makakaya. Kaya kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?
Malaman ang linyang ito ni Sister Stella at sa paraang ginamit ito ni Vilma Santos sa araw na siya ay parangalan. Ginamit niya nang mahusay ang pagkakataon na makapagsalita  sa harap ng maraming estudyante, mga kritiko, taga-akademya, direktor at kasamahan sa trabaho. Ang lektyur na ito ay hindi lamang paglalahad ni Vilma sa kaniyang mga naging karansan sa paggawa ng pelikula kundi tungkol din ito sa pagtuturo sa mamamayang Pilipino na mapagyaman, mapangalagaan at higit sa lahat ay matangkilik ang sariling mga pelikula.
Ayon sa nakararami ay naghihingalo na ang industriya ng pelikulang Pilipino. Pansinin natin ang mga kaganapan sa pagpapalabas ng mga pelikula sa Pilipinas. Tinawag na Golden Age ang 1970s at tapos na ito. Noong 2011 ay mas marami pa ang naipalabas na pelikulang mula sa ibang bansa (151 na pelikula) kumpara sa mga ipinalabas na pelikulang Pilipino (78) (Bunoan, 2012). Iuugnay sa sinabi ni Vilma Santos na isa sa mga dahilan ng paghihingalo at unti-unting pagkamatay ng pelikulang Pilipino ay ang sobrang pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga dayuhang pelikula na ipinalalabas sa Pilipinas. Bakit nagrereklamo sa sobrang pagtangkilik ng ng mga Pilipino sa mga dayuhang pelikula kung wala naman pala silang mapapanood na mga pelikulang Pilipino? Tama ang sabi ni Santos na hindi kailangang tanggalin ang pagpapalabas sa mga dayuhang pelikula subalit kailangang bigyang priyoridad ang pagpapalabas sa mga pelikulang Pilipino dahil sa pinakaunang banda, sino ba ang nagtatakda ng ideya upang panoorin ang mga dayuhang pelikula? Ang midya. Nagsasabi ang midya na priyoridad daw niya ang interes nang nakararami.
Makikita ang sinasabing paghihingalo ng industriya ng pelikulang Pilipino sa bilang ng mga pelikulang naipalalabas sa bawat taon. Kung susuriin ang lektyur na ibinigay ni Vilma Santos ay sinabi niyang noong 1971 ay nakagagawa ng 251 na pelikula ang mga prodyuser sa bansa. Halos 164 pelikula lamang taon-taon ang nagagawa mula 1996-1999 at bumababa pa ito sa mga 82 pelikula taon-taon noong 2002 hanggang 2003. Sabi niya na noong 2004 ay 55 pelikula na lamang ang nagawa ng mga prodyuser. Noong 2011 ay mas marami pa ang naipalabas na pelikulang mula sa ibang bansa (151 na pelikula) kumpara sa mga ipinalabas na pelikulang Pilipino na 78.
Nakalulungkot dahil makikita ang unti-unting paghina at ang nakatatakot ay ang pagkamatay ng industriyang ito. Sa mga pelikulang Pilipinong nailabas taon-taon ay mapapansing sa taong 2011 ay tumaas ito. Ito ay dahil sa paglago naman ng mga indie film. Maraming independent film ang kinilala sa ibang lugar tulad ng Melancholia (2008) na nanalo sa Venice Film Festival na dinerek ni Lav Diaz, Serbis (2008) sa direksyon ni Brillante Mendoza na nanalo ng prestihiyosong Palm d’Or Arwad sa Cannes, Ploning (2008) sa direksyon ni Chris Martinez na nanalo sa iba’t ibang Asian film festivals at marami pang iba (ABS-CBN.com).
Matagal na ang lekyur na ito ni Vilma Santos at pinatunayan ito ng mga sinabi ni Mathew Scott dahil tumatangkilik ang mga Pilipino sa kanilang sariling pelikula tulad ng dalawang pelikulang kumita ng napakalaki at sinabing naka-break ng box office record: Girl, Boy, Bakla, Tomboy ($9.7 million) at ang Starting Over Again ($11. 3 million) (Variety.com). Itinuturing na pinakamatagumpay pagdating sa kita ng pelikula ang A Second Chance pagkatapos nitong kumita ng $11. 759 milyon (Rappler.com). Subalit hindi pa rin dapat mangampante ang industriya sa paggawa nang mas mahuhusay na pelikulang Pilipino dahil wala pa ring nakahihigit sa kinita ng Iron Man 3 noong 2013 ($12. 685 milyon) at The Avengers noong 2012 ($12. 178 milyon) (listph.com).
Makikita ang muling pagkabuhay ng industriya ng pelikulang Pilipino. Bilang isang Pilipino ay nakikita kong isa sa mga dahilan nito ay ang paggawa ng mga de kalidad na pelikulang hindi lamang nag-iisip na kumita kundi makapagbigay ng kasiyahan, aral at inspirasyon sa lahat.       Hindi sana maging sukatan ang kikitain, kung maliit man ito, upang mapanghinaan ng loob ang industriya na magpatuloy na magpalabas ng mga pelikula. Bagkus, isa itong senyales na kailangan ding tingnan ang lebel ng pag-iisip ng mga manonood dahil maaring ang rason dito ay ang paggawa ng mahihinang kalidad ng pelikula. Sino ang manonod ng pelikulang walang kwenta? Ang kwenta rito ay tumutukoy sa kapaki-pakinabangan ng pelikula. Sa unang banda ay bakit pa ito ginawa?
Para sa matatagumpay na tao, maiintindihan nila ang mga naging karanasan ni Santos sa pagkamit niya ng kaniyang tagumpay.  Ang pagbabahagi ni Santos sa kaniyang mga naging karanasan ay hindi lamang para sa mga taong makaiintindi sa mga naging karanasan niya subalit para rin ito sa mga taong gustong magtagumpay sa mundo ng paggawa ng pelikula. Ipinarating niya na hindi madali ang pagkamit ng tagumpay. Nabanggit niya na noong ipinalabas ang Sister Stella L noong 1984 ay nakasabay nito ang pelikulang pinagbidahan ni Sharon Cuneta na siyang ikinalangaw ng kaniyang pelikula. Sikat na siya noong panahong iyon at ang maranasan ang ganoong pangyayari ay hindi maganda dahil noon ay isa sa mga pinakasukatan ng kasikatan ay kapag pinipilahan ang pelikula. Gaoon pa man ay nagpasalamat pa rin siya dahil itinuturing ngayon na isa sa pinakamahuhusay na pelikulang Pilipino ang Sister Stella L na tumatalakay sa pakikibaka para sa katarungan at ang pagkontra sa gahum ng mga naghaharing pamahalaan. Sa bahaging ito ay makikitang tinitingnan ang pelikula bilang salamin din ng lipunan Pilipino at kasaysayan.

Reperensya
Santos, V. 2005. Kinakaharap at Hinaharap ng Industriya ng Pelikulang Pilipino. http:// www.plarideljournal.org/article/kinakaharap-at-hinaharap-ng-industriya-ng-pelikulang-pilipino/. Retrieved November 16, 2016.http://www.rappler.com/entertainment/news/116583-a-second-chance-highest-grossingfilipino-film-all-time

Miyerkules, Nobyembre 16, 2016

TEORYA NG PAGTANGGAP AT PAGBASA

 Teorya ng Pagtanggap at Pagbasa
Karen Y. Ramos

“The story is one that you and I will construct together in your memory. If the story means anything to you at all, then when you remember it afterward, think of it, not as something I created, but rather as something that we made together.”                           
―Orson Scott Card, Ender’s Game

Batay sa pahayag sa itaas ng awtor na si Card ay mahalaga ang bahaging ginagampanan ng mambabasa upang maging matagumpay ang isang likha sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng kahulugan.  Ang istorya sa loob ng isang likha ay mabubuo sa pamamagitan ng relasyong ng manlilikha ng akda at ng mambabasa nito. Makikita rin sa itaas ang mga larawan. Pansinin ang mga ito. Sa unang tingin ay hindi mapapansin ang mga subliminal na mensaheng nakakubli sa mga larawan. Suriin ninyo ito nang mabuti. Mapapansin na may mga imaheng makikita mula rito na hindi makikita sa unang tingin dahil sinadya ito ng tagalikha. Sa pamamaraang ito ay nakalilikha nang mas malalamin na pag-iisip sa mga mambabasa ang pagbibigay interpretasyon sa mga idinagdag na mga imahe dahil sa isiping mayroong nais iparating ang tagalikha sa paglalagay ng mga ito. Bumubuo ito ng kuryusidad sa mga mambabasa.

Isang simbolikong order ang komunikasyon. Ayon kina Allen at Rodman (1997, p. 5), ginagamit ang mga simbolo upang kumakatawan sa mga bagay, ideya, at pangyayari upang maging posible ang komunikasyon. Sa pamamagitan ng pagbibigay-interpretasyon, maaring makabuo ang indibidwal ng mensahe o kaisipan.

Bawat nilalang ay kaiba sa isa’t isa at kaangkla nito ang pagkakaiba-iba ng hinuha at pagtingin ng tao sa mundo kaya masasabing magkakaiba rin ang tao sa paraan ng pagpapahayag at pag-unawa. Ang pagkakaiba-iba ng pagpapakahulugan ng indibidwal sa mga bagay-bagay ay ipinaliwanang ng teoryang pagtanggap at pagbasa na nagtatangkang ilarawan ang nagaganap sa isipan ng mambabasa habang binibigyang-kahulugan ang akda o teksto. Ayon sa teoryang ito ay kahulugan ng akda ay hindi iisa o dadalawa, ba maaaring magkaroon ito ng maraming kahulugan. Nagkakaiba-iba ng lebel ng subhektibidad ang mga kritiko sa kanilang pagtingin sa mga teorya ng interpretasyon tulad ng semiotika at hermenyutika. Sa teroya ng pagtanggap at pagbasa ay binibigyang pokus ang pansariling ideolohiya ng mambabasa. Malayang makapagbibigay-kahulugan ang indibidwal sa teoryang ito.

Ayon kay Varghese (2012), attention to the reading process emerged during the 1930’s as a reaction against the growing tendency to reject the reader’s role in creating meaning, a tendency that became a fixed principle of the New Criticism that dominated a critical practice in the 1940s and 1950s. Nabuhay ang pagbibigay nang malaking importansya sa proseso ng pagbasa lalong-lalo na sa pagbibigay ng pokus sa mambabasa bilang mahalagang elemento sa pagbibay ng kahulugan sa isang akda pagkatapos mapansing unti-unti nang nawawalan ng papel ang mambabasa dahil sa ibang pananaw sa kritisismong nagbibigay ng lubusang importansya sa obhektibidad ng teksto sa pamamagitan ng pagtingin sa kaisahan nito, intrinsikong pagsusuri sa akda at sa teknik ng malapitang pagbasa na tinitingna nag komleksidad ng teksto. Sa pamamagitan ng mga ito ay nawawala ang papel ng mambabasa bilang isang mahalagang salik upang magbigay ng kaniyang interpretasyon sa akda dahil ang tinitingnan ay ang istruktura at mga elemento nito.

            Makikita ang mga tatsulok na dayagram sa itaas. Ang una ay nagpapakita ng relasyon ng mambabasa, manunulat at ng teksto. Ayon kay Shklovsky, hindi imahen ang natatanging elementong nagtatatag ng tula; ang imahen ay isa lamang paraan sa paglikha ng pinakamalakas na posibleng impresyon, isa sa mga paraang retorikal na nagagamit upang lubusin ang epekto ng tula. Sa pagsusuri ng tula, hindi dapat magsisimula sa mga simbolo o metapora, na mga instrumento lamang ng epekto, kundi sa mga pangkalahatang batas ng persepsyon. Makikita sa pahayag na ito na sinasabing hindi lamang isang elemento ang bumubuo sa isang likha. Upang magkaroon ng kabuluhan ang isang tula ay kailangan ng tagatanggap na magbibigay ng interpretasyon nito hindi lamang sa isang mababaw na pamamaraan kundi sa pagsisid sa kabuuan ng tula. Mahalaga kung gayon hindi lamang ang manlilikha o teksto o mambabasa kundi lalo na ang kahuluhan.

            Makikita naman sa pangalawang dayagram ang dalawang hugis na bilog na nagrerepresenta sa teksto at mambabasa. Mapapansin ang intersection ng dalawang bilog na ito na bumubuo ng isang bilohaba na nagrerepresenta sa transakyon. Nagpapakita ang dayagram na ito sa proseso ng paglilikha ng kahulugan ng mambabasa sa teksto at kahulugan mula sa teksto patungong mambabasa. Kung gayon ay masasabing sinakop ito ng interaktibong teroya ng pagbasa na may dalawang direksyon ng komprehensyong itaas-pababa at ibaba-pataas. Dito nagaganap ang interaksyong awtor-mambabasa at mambabasa-awtor. Tinatawag din itong bi-directional.
            Ipinaglalaban ng teoryang ito ang kahalagahan ng mambabasa sa pag-intindi ng isang akda na hindi binigyang pansin ng mga ibang teorya tulad ng Formalismo, Istrukturalismo, Marxista at iba pa. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng ostranenie sa teoryang ito dahil ang mga masyadong pamilyar na ideya ay ginagawang kakaiba upang magkaroon ng mas malalim na pag-intindo rito. Inilalarawan din sa teoryang ito ang penominolohiya ng pagbabasa na nagpapaliwanag sa pagbabago-bago ng desisyon ng mambabasa habang siya nagbabasa.
            Tinitingnan ang lahat sa teoryang ito pati na ang panahon at lipunang ginagalawan ng may-akda habang isinusulat niya ang akda. Sa pamamagitan nito ay maiintindihan nang mabuti ang kaniyang naisulat at mas mabibigyan ito ng kahulugan. Sinasabi rin na ang pagtatagumpay na pagpapakahulugan sa isang ideya ay kapag ibinabatay ito sa iba-ibang salinlahi dahil sa pamamagitan nito ay mas makabubuo ng isang ideyang mula sa iba-ibang pagpapakahulugan dahil hindi iisa o dadalawa ang pagpapakahulugan. Ito ay marami.
            Sumasaklaw ito sa magkaibang metodolohiya ng Formalismo at Marxismo. Kung sa Formalismo ay labis ang interes sa estetiko, sa Marxixmo naman ay sentral ang konseptong historikal. Bagamat pinakasentrong konsepto ng teoryang pagtanggap at pagbas ang relasyon ay ginawa rin nitong basehan ang konsepto ng orisante ni Jauss sa pagbubuklod sa kasaysayan at estetiko upang mas maunawaan ang akda.
            Ang pag-intindi rin sa isang akda ay nagsasabi at nagtatakda ng identidad ng bumabasa nito. Nagsasabi sa identidad dahil ang pag-unawa ng bata sa matanda ay hindi magkatulad. Masasabi na kaniyang pagbibigay ng kahulugan ay hindi maitutulad sa pagbibigay ng kahulugan ng mas matanda sa kaniya dahil ito sa mga karanasan na naiuugnay ng mas matanda sa pagbabasa na hindi magawa ng mas bata sa pagbibay niya ng kahulugan sa binabasa. Nagtatakda sa identidad dahil hindi ito babasahin ng mas matanda kung hindi niya ito maiintindihan kaya masasabi na may sapat na siyang kaalaman sa binabasa. Sa kaso ng mas bata ay hindi niya ito babasahin dahil wala siyang interes dito dahil wala sa kaniyang iskima ang babasahin subalit maari niya itong basahin para magkaroon siya ng ideya at ang ideyang ito ay kaniyang magiging karanasan. Ang karanasan niya sa pagbabasa ay isang danas na maiimbak sa kaniyang iskima na magagamit niya at magbabago habang nadaragdagan sa tuwing nagbabasa siya at nagbibigay ng pagpapakahulugan.
            Balikan natin ngayon ang tatlong larawang nasa itaas. Sa unang larawan ay makikita ang isang ulo ng lalaki. Kapag tititigan nang mabuti ay makikita ang isang babae na nakahiga na ginawang parte ng ulo ng lalaki. Sa pangalawang larawan ay makikita ang isang sirenang ginawang anyong tubig. Kung susuriing mabuti ay makikita na ang anyong lupa na nasa larawan ay mga pigura ng isang lalaki at iba pang nakamasid. Sa huling larawan ay makikita ang isang puno at taong nakatayo sa ilalim nito. Kung susuriin din ito nang mabuti ay makikita na ang kalangitan ay pormang ulo ng babae. Kung susuriing mabuti ang mga larawan sa itaas ay mayroon itong pagkakatulad dahil parehong nangingibabaw ang pagpapakita sa kapangyarihan ng babae. Sa unang larawan ay ginamit ang ulo ng lalaki upang iparating na laman ng ulo ay ang pag-iisip sa isang babae. Maaari ring nais nitong iparating na ang lalaki ay mukhang babae. Sa pangalawang larawan ay ang pagdaloy ng tubig sa lupa upang hindi ito manuyo nang sobra dahil makikitang wala man lang mga halaman ang tumubo sa lupa. Nais din nitong iparating ng kailangan ng lalaki ang babae. Ipinaparating sa huling larawan ang inang kalikasan na siyang nakamasid sa mga ginagawa ng mga tao sa mundo.
            Ang pagbibigay ko ng interpretasyon sa mga larawan sa itaas ay mas magiging mahusay kung kikilalanin ko ang mga gumawa ng mga ito. Tulad din ito sa ginagawa natin bago tayo nag-uulat ng isang paksa. Halimbawa ay iuulat ko ang lektyur na ginawa ni Vilma Santos sa U.P. Gawad Plaridel. Hindi ko ito maiintindihan kung hindi ko sasaliksikin kung sino si Vilma at ano ang kaniyang kasalukuyan ginagawa. Ganoon din ang mangyayari sa pag-intindi ko sa mga tula ni German Gervacio. Mas magiging mahusay ang interpretasyon kung kikilalanin ang gumawa nito.  Ang mga larawan sa itaas ay kuha mula sa Google at makikita ito bilang bahagi ng Gestalt Psychology na napatutungkol sa teorya ng biswal na persepyon.
            Malinaw na sa teorya ng pagtanggap at pagbasa ay malaki ang papel na ginagampanan ng mambabasa pati na nag relasyon sa pagitan ng mambabasa, manunulat at teksto. Nagtatagpo ang mambabasa at manunulat sa pamamagitan ng teksto naparehong binibigyan nila ng kani-kanilang interpretasyon. Sa pamamagitan din ng teoryang ito ay maiintindihan ang pagkakaiba-iba ng interpretasyon ng mga tao sa isang akda, bagay o pangyayari dahil maaring ang interpretasyon niya ay bunga ng kaniyang kapaligiran. Maaari ring ang pagbibigay niya ng kahulugan ay bunga ng kaniyang mga naging karanasan at maituturing na salik na personal. Ang interpretasyon din ay nakabatay at tumutukoy sa indentidad ng isang tao. Sa kabuuan, ang teoryang pagtanggap at pagbasa ay kombinasyon ng mga teoryang nauna sa kaniya na sa tulong ng mga ito ay nabuo ang isang pagdulog na makapagbibigay paliwanag sa kabuuan ng isang akda.