Miyerkules, Nobyembre 16, 2016

TEORYA NG PAGTANGGAP AT PAGBASA

 Teorya ng Pagtanggap at Pagbasa
Karen Y. Ramos


“The story is one that you and I will construct together in your memory. If the story means anything to you at all, then when you remember it afterward, think of it, not as something I created, but rather as something that we made together.”                           
―Orson Scott Card, Ender’s Game








Batay sa pahayag sa itaas ng awtor na si Card ay mahalaga ang bahaging ginagampanan ng mambabasa upang maging matagumpay ang isang likha sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng kahulugan.  Ang istorya sa loob ng isang likha ay mabubuo sa pamamagitan ng relasyong ng manlilikha ng akda at ng mambabasa nito. Makikita rin sa itaas ang mga larawan. Pansinin ang mga ito. Sa unang tingin ay hindi mapapansin ang mga subliminal na mensaheng nakakubli sa mga larawan. Suriin ninyo ito nang mabuti. Mapapansin na may mga imaheng makikita mula rito na hindi makikita sa unang tingin dahil sinadya ito ng tagalikha. Sa pamamaraang ito ay nakalilikha nang mas malalamin na pag-iisip sa mga mambabasa ang pagbibigay interpretasyon sa mga idinagdag na mga imahe dahil sa isiping mayroong nais iparating ang tagalikha sa paglalagay ng mga ito. Bumubuo ito ng kuryusidad sa mga mambabasa.

Isang simbolikong order ang komunikasyon. Ayon kina Allen at Rodman (1997, p. 5), ginagamit ang mga simbolo upang kumakatawan sa mga bagay, ideya, at pangyayari upang maging posible ang komunikasyon. Sa pamamagitan ng pagbibigay-interpretasyon, maaring makabuo ang indibidwal ng mensahe o kaisipan.

Bawat nilalang ay kaiba sa isa’t isa at kaangkla nito ang pagkakaiba-iba ng hinuha at pagtingin ng tao sa mundo kaya masasabing magkakaiba rin ang tao sa paraan ng pagpapahayag at pag-unawa. Ang pagkakaiba-iba ng pagpapakahulugan ng indibidwal sa mga bagay-bagay ay ipinaliwanang ng teoryang pagtanggap at pagbasa na nagtatangkang ilarawan ang nagaganap sa isipan ng mambabasa habang binibigyang-kahulugan ang akda o teksto. Ayon sa teoryang ito ay kahulugan ng akda ay hindi iisa o dadalawa, ba maaaring magkaroon ito ng maraming kahulugan. Nagkakaiba-iba ng lebel ng subhektibidad ang mga kritiko sa kanilang pagtingin sa mga teorya ng interpretasyon tulad ng semiotika at hermenyutika. Sa teroya ng pagtanggap at pagbasa ay binibigyang pokus ang pansariling ideolohiya ng mambabasa. Malayang makapagbibigay-kahulugan ang indibidwal sa teoryang ito.

Ayon kay Varghese (2012), attention to the reading process emerged during the 1930’s as a reaction against the growing tendency to reject the reader’s role in creating meaning, a tendency that became a fixed principle of the New Criticism that dominated a critical practice in the 1940s and 1950s. Nabuhay ang pagbibigay nang malaking importansya sa proseso ng pagbasa lalong-lalo na sa pagbibigay ng pokus sa mambabasa bilang mahalagang elemento sa pagbibay ng kahulugan sa isang akda pagkatapos mapansing unti-unti nang nawawalan ng papel ang mambabasa dahil sa ibang pananaw sa kritisismong nagbibigay ng lubusang importansya sa obhektibidad ng teksto sa pamamagitan ng pagtingin sa kaisahan nito, intrinsikong pagsusuri sa akda at sa teknik ng malapitang pagbasa na tinitingna nag komleksidad ng teksto. Sa pamamagitan ng mga ito ay nawawala ang papel ng mambabasa bilang isang mahalagang salik upang magbigay ng kaniyang interpretasyon sa akda dahil ang tinitingnan ay ang istruktura at mga elemento nito.





            Makikita ang mga tatsulok na dayagram sa itaas. Ang una ay nagpapakita ng relasyon ng mambabasa, manunulat at ng teksto. Ayon kay Shklovsky, hindi imahen ang natatanging elementong nagtatatag ng tula; ang imahen ay isa lamang paraan sa paglikha ng pinakamalakas na posibleng impresyon, isa sa mga paraang retorikal na nagagamit upang lubusin ang epekto ng tula. Sa pagsusuri ng tula, hindi dapat magsisimula sa mga simbolo o metapora, na mga instrumento lamang ng epekto, kundi sa mga pangkalahatang batas ng persepsyon. Makikita sa pahayag na ito na sinasabing hindi lamang isang elemento ang bumubuo sa isang likha. Upang magkaroon ng kabuluhan ang isang tula ay kailangan ng tagatanggap na magbibigay ng interpretasyon nito hindi lamang sa isang mababaw na pamamaraan kundi sa pagsisid sa kabuuan ng tula. Mahalaga kung gayon hindi lamang ang manlilikha o teksto o mambabasa kundi lalo na ang kahuluhan.

            Makikita naman sa pangalawang dayagram ang dalawang hugis na bilog na nagrerepresenta sa teksto at mambabasa. Mapapansin ang intersection ng dalawang bilog na ito na bumubuo ng isang bilohaba na nagrerepresenta sa transakyon. Nagpapakita ang dayagram na ito sa proseso ng paglilikha ng kahulugan ng mambabasa sa teksto at kahulugan mula sa teksto patungong mambabasa. Kung gayon ay masasabing sinakop ito ng interaktibong teroya ng pagbasa na may dalawang direksyon ng komprehensyong itaas-pababa at ibaba-pataas. Dito nagaganap ang interaksyong awtor-mambabasa at mambabasa-awtor. Tinatawag din itong bi-directional.
            Ipinaglalaban ng teoryang ito ang kahalagahan ng mambabasa sa pag-intindi ng isang akda na hindi binigyang pansin ng mga ibang teorya tulad ng Formalismo, Istrukturalismo, Marxista at iba pa. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng ostranenie sa teoryang ito dahil ang mga masyadong pamilyar na ideya ay ginagawang kakaiba upang magkaroon ng mas malalim na pag-intindo rito. Inilalarawan din sa teoryang ito ang penominolohiya ng pagbabasa na nagpapaliwanag sa pagbabago-bago ng desisyon ng mambabasa habang siya nagbabasa.
            Tinitingnan ang lahat sa teoryang ito pati na ang panahon at lipunang ginagalawan ng may-akda habang isinusulat niya ang akda. Sa pamamagitan nito ay maiintindihan nang mabuti ang kaniyang naisulat at mas mabibigyan ito ng kahulugan. Sinasabi rin na ang pagtatagumpay na pagpapakahulugan sa isang ideya ay kapag ibinabatay ito sa iba-ibang salinlahi dahil sa pamamagitan nito ay mas makabubuo ng isang ideyang mula sa iba-ibang pagpapakahulugan dahil hindi iisa o dadalawa ang pagpapakahulugan. Ito ay marami.
            Sumasaklaw ito sa magkaibang metodolohiya ng Formalismo at Marxismo. Kung sa Formalismo ay labis ang interes sa estetiko, sa Marxixmo naman ay sentral ang konseptong historikal. Bagamat pinakasentrong konsepto ng teoryang pagtanggap at pagbas ang relasyon ay ginawa rin nitong basehan ang konsepto ng orisante ni Jauss sa pagbubuklod sa kasaysayan at estetiko upang mas maunawaan ang akda.
            Ang pag-intindi rin sa isang akda ay nagsasabi at nagtatakda ng identidad ng bumabasa nito. Nagsasabi sa identidad dahil ang pag-unawa ng bata sa matanda ay hindi magkatulad. Masasabi na kaniyang pagbibigay ng kahulugan ay hindi maitutulad sa pagbibigay ng kahulugan ng mas matanda sa kaniya dahil ito sa mga karanasan na naiuugnay ng mas matanda sa pagbabasa na hindi magawa ng mas bata sa pagbibay niya ng kahulugan sa binabasa. Nagtatakda sa identidad dahil hindi ito babasahin ng mas matanda kung hindi niya ito maiintindihan kaya masasabi na may sapat na siyang kaalaman sa binabasa. Sa kaso ng mas bata ay hindi niya ito babasahin dahil wala siyang interes dito dahil wala sa kaniyang iskima ang babasahin subalit maari niya itong basahin para magkaroon siya ng ideya at ang ideyang ito ay kaniyang magiging karanasan. Ang karanasan niya sa pagbabasa ay isang danas na maiimbak sa kaniyang iskima na magagamit niya at magbabago habang nadaragdagan sa tuwing nagbabasa siya at nagbibigay ng pagpapakahulugan.
            Balikan natin ngayon ang tatlong larawang nasa itaas. Sa unang larawan ay makikita ang isang ulo ng lalaki. Kapag tititigan nang mabuti ay makikita ang isang babae na nakahiga na ginawang parte ng ulo ng lalaki. Sa pangalawang larawan ay makikita ang isang sirenang ginawang anyong tubig. Kung susuriing mabuti ay makikita na ang anyong lupa na nasa larawan ay mga pigura ng isang lalaki at iba pang nakamasid. Sa huling larawan ay makikita ang isang puno at taong nakatayo sa ilalim nito. Kung susuriin din ito nang mabuti ay makikita na ang kalangitan ay pormang ulo ng babae. Kung susuriing mabuti ang mga larawan sa itaas ay mayroon itong pagkakatulad dahil parehong nangingibabaw ang pagpapakita sa kapangyarihan ng babae. Sa unang larawan ay ginamit ang ulo ng lalaki upang iparating na laman ng ulo ay ang pag-iisip sa isang babae. Maaari ring nais nitong iparating na ang lalaki ay mukhang babae. Sa pangalawang larawan ay ang pagdaloy ng tubig sa lupa upang hindi ito manuyo nang sobra dahil makikitang wala man lang mga halaman ang tumubo sa lupa. Nais din nitong iparating ng kailangan ng lalaki ang babae. Ipinaparating sa huling larawan ang inang kalikasan na siyang nakamasid sa mga ginagawa ng mga tao sa mundo.
            Ang pagbibigay ko ng interpretasyon sa mga larawan sa itaas ay mas magiging mahusay kung kikilalanin ko ang mga gumawa ng mga ito. Tulad din ito sa ginagawa natin bago tayo nag-uulat ng isang paksa. Halimbawa ay iuulat ko ang lektyur na ginawa ni Vilma Santos sa U.P. Gawad Plaridel. Hindi ko ito maiintindihan kung hindi ko sasaliksikin kung sino si Vilma at ano ang kaniyang kasalukuyan ginagawa. Ganoon din ang mangyayari sa pag-intindi ko sa mga tula ni German Gervacio. Mas magiging mahusay ang interpretasyon kung kikilalanin ang gumawa nito.  Ang mga larawan sa itaas ay kuha mula sa Google at makikita ito bilang bahagi ng Gestalt Psychology na napatutungkol sa teorya ng biswal na persepyon.
            Malinaw na sa teorya ng pagtanggap at pagbasa ay malaki ang papel na ginagampanan ng mambabasa pati na nag relasyon sa pagitan ng mambabasa, manunulat at teksto. Nagtatagpo ang mambabasa at manunulat sa pamamagitan ng teksto naparehong binibigyan nila ng kani-kanilang interpretasyon. Sa pamamagitan din ng teoryang ito ay maiintindihan ang pagkakaiba-iba ng interpretasyon ng mga tao sa isang akda, bagay o pangyayari dahil maaring ang interpretasyon niya ay bunga ng kaniyang kapaligiran. Maaari ring ang pagbibigay niya ng kahulugan ay bunga ng kaniyang mga naging karanasan at maituturing na salik na personal. Ang interpretasyon din ay nakabatay at tumutukoy sa indentidad ng isang tao. Sa kabuuan, ang teoryang pagtanggap at pagbasa ay kombinasyon ng mga teoryang nauna sa kaniya na sa tulong ng mga ito ay nabuo ang isang pagdulog na makapagbibigay paliwanag sa kabuuan ng isang akda.




Reperensya

Reyes, S. 1992. Kritisimo: Mga Teorya at Antolohiya para sa Epektibong Pagtuturo ng Panitikan. Pasig, Metro Manila: Anvil Publishing, Inc.

Mga larawan
  1. https://www.google.com.ph/search?q=gestalt+psychology&biw=1366&bih=613&source=lnms&tbm=isch&sa=X&sqi=2&ved=0ahUKEwiW44_yjabQAhWMi5QKHTlpBAAQ_AUIBigB#imgdii=LgMqfoF0rL0otM%3A%3BLgMqfoF0rL0otM%3A%3BrKKvPp8dCQWUhM%3A&imgrc=LgMqfoF0rL0otM%3A
  2. https://www.google.com.ph/search?q=gestalt+psychology+paintings&biw=1366&bih=613&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwia8v-yjKbQAhUKkJQKHSA2BfoQ_AUICCgB#imgrc=mfMJVAMWUBnCqM%3A
  3. https://www.google.com.ph/search?q=gestalt+psychology+paintings&biw=1366&bih=613&source=lnms&tbm=isch&sa=X&ved=0ahUKEwia8v-yjKbQAhUKkJQKHSA2BfoQ_AUICCgB#imgrc=nwL9NZg_Y16YVM%3A