Miyerkules, Enero 25, 2017

lipunang pilipino at pelikulang pilipino
(Kinakaharap at Hinaharap ng Industriya
ng Pelikulang Pilipino ni Vilma SANTOS)
Karen Y. Ramos




Si Vilma Santos (Ate Vi) ay Maria Rosa Vilma Tuazon sa totoong buhay.  Ipinanganak siya noong Nobyembre 3, 1953 sa  Galang's Maternity Clinic sa Trozo, Magdalena, Tondo Manila. Siya ay anak nina  Amado Santos na tubong Bamban, Tarlac at  Milagros Tuazon na tubong San Isidro, Nueva Ecija. Bata pa lamang si Vilma Santos ay hilig na talaga niya ang pag-arte sa harap ng maraming tao at ito'y nasa dugo na niya kaya naman hindi maitatanggi na napakahusay niya at dekalibreng aktres na siya ngayon kaya naman siya ay tinawag na "STAR FOR ALL SEASON". Siya ay dating punong bayan ng Lungsod ng Lipa na itinuturing kauna-unahan na nanalong babaeng punong bayan sa nasabing lungsod at kasalukuyang gobernadora ng probinsya ng Batangas. Si Vilma Santos ay kasalukuyang asawa ni Senador Ralph Recto at may dalawang anak na lalaki na ang pangalang ay Ryan Christian Recto at Luis Manzano na anak niya sa dating asawa na si Edu Manzano. Nagumpisa ang pag-aartista ni Vilma Santos noong pinilit siya ng kanyang Tito na cameraman sa Sampaguita Pictures na mag-odisyon sa Trudis Liit na gawa o hawak ng Sampaguita Pictures. Nakuha nya ang bidang karakter na si Trudis Liit at nag-uwi ng gantimpala bilang "Best Child Performer for 1963" at doon ay nagsimula na ang kabila't kabilang pagkuha sa kanya sa pelikula bilang bida na talaga namang tinangkilik ng mga manunuod (Canedo, 2012).

Ibinahagi ni Vilma Santos ang kaniyang mga naging karanasan sa pagsisimula sa industriya ng pelikulang Pilipino sa ibinigay niyang lektyur sa ginanap na U.P Gawad Plaridel. Ibinahagi niya rin ang mga tulong na naibigay sa kaniya ng mga director, kapwa aktor., mga staff at mga prodyuser. Pinasalamatan niya ang mga manonood na sumuporta sa kaniya. Ang lektyur na ibinigay ni Vilma Santos bilang 2005 awardee ng U.P. Gawad Plaridel ay napatutungkol din sa probemang kinakaharap ng mga pelikulang Pilipino.
Ayon sa Newsbreak, noong 1971 ay nakagagawa ng 251 na pelikula ang mga prodyuser sa bansa. Subalit, ayon sa Film Academy of the Philippines, halos 164 pelikula lamang taon-taon ang nagagawa mula 1996-1999 at bumababa pa ito sa mga 82 pelikula taon-taon noong 2002 hanggang 2003.
Sabi niya na noong 2004 ay 55 pelikula na lamang ang nagawa ng mga prodyuser. At hindi lahat ng pelikulang ito ay kumita. Maraming dahilan kung bakit paunti nang paunti ang gumagawa ng pelikula. Ibinigay niya ang sumusunod:

  1. Halos 50% ang pinapatong na buwis
  2. Hindi pa naipalalabas ang mga pelikula ay napapanood na ito sa mga pirated CDs at DVDs
  3. Mahal na ang tiket. Noong nagsimula pa si Vilma ay 7.50 lang ito at nakikita na lamang ang sine sa mga mall. Wala na ang mga sinehang pangmasa. Nagmahal na rin ang pamasahe at nagmahal ang mga pagkain sa mall.
  4. Matindi ang kompetisyon dahil lalong tinatangkilik at mas kumikita ang mga dayuhang pelikula. Ang Spiderman 2 ay kumita ng 27 milyong piso sa unang araw pa lamang nito.
  5. May mga prodyuser na itinutuon ang pansin sa pag-import ng mga dayuhang pelikula dahil mas madali, mura at mas malayo na malugi.

Ano ang nangyayari sa huli?
Maraming kababayan ang nawawalan ng trabaho, mula direktor, aktor, manunulat, teknisyan, hanggang sa mga maliliit na manggagawa katulad ng mga ekstra, karpintero, pintor, at mga mananahi na kailangan sa production design. At sino ang nabibigyan ng trabaho? Ang kumikita ay ang mga taga-ibang bansa. Subalit sa kabila nito ay sinabi ni Vilma Santos na masasalba pa ang industriya. Ayon sa kanya ay dapat pag-aralan ng pamahalaan kung paano mababawasan ang buwis na ipinapataw rito. Napakabigat nito at napakataas na at pataas pa nang pataas ang production cost ng paggawa ng pelikula. Kailangang pag-aralan ng pamahalaan ang paglalagay ng regulasyon sa pagpasok ng mga dayuhang pelikula. Hindi pipigilan ang kanilang pagpasok ngunit kailangang bigyan ng priyoridad ang sariling produkto.
Kailangan ding paghusayan ang mga istorya sa paggawa ng pelikula na mataas ang kalidad, maipagmamalaki, nakikipagsabayan at kinikilala sa ibang bansa. May pag-aasa, ibubuga. Pero iilan na lamang sila. Sinabi pa ni Vilma na handa niyang babaan ang kaniyang talent fee. Ang kondisyon niya lang ay kailangan muna niyang makita ang iskrip. Sa Lipa, nagpasa sila ng batas na nagbabawas ng amusement tax mula 30%-15% sa lahat ng pelikulang Pilipino. Ipinahihiwatig ni Vilma rito, para sa mga aktor, na matutong sumuri sa mga gagampanang papel at hindi basta-basta na lamang tumatanggap dahil para naman ito sa ikabubuti ng pangalan ng industriya ng paggawa ng pelikula. Maaaring sa pamamagitan nito ay mapaghuhusay niya ang kaniyang pagganap dahil pinakauna ay mas magandang gawin ang bagay na iyong gusto. Dito ay maipapakita ang galing ng tagaganap.
Ang buhay na ikabubuhay ng pelikulang Pilipino ay nasa kamay ng mga Pilipino rin. Gingawa ang pelikula hindi para ilagay sa isang kahon kundi upang panoorin ng mga tao upang makapagbigay ng inspirasyon at makapagpapaunlad sa kanilang pamumuhay.  May responsibilidad na ginagampanan pati ang pamahalaan at prodyuser. Ito ay para sa pagbibigay ng suporta uporta sa paggawa ng pelikula. Nakakatawang isipin pero tulad ng sinabi ng award-winning na filmmaker na si Pepe Diokno ay maaring ang dahilan ng kawalan ng suporta ng pamahalaan sa mga paggawa ng pelikula ay dahil nakikita lamang nilang ang industriyang ito ay para makapagbigay lamang ng kasiyahan. Ikinompara niya ang paggawa ng pelikulang Pilipino na kiukuhanan ng tax sa pagbibigay ng pundo para sa paggawa ng pelikula sa mga bansang Korea at Pransya. Isa pa ay kinakailangang sa mga bansang ito ay ipinalalabas ang mga lokal na pelikula.
Sa pelikula nagkakatagpo-tagpo ang iba’t ibang uri ng sining- ang panitikan, performing arts, musika, potograpiya, at iba pa. Kaya mabisang paraan ito sa pakikipagtalastasan at pakikipag-ugnayan sa mga tao. Malakas ang impluwenysa ng mga pelikula sa buhay ng tao dahil dito nila, kadalasan, idinidikit ang mga desisyon nila sa buhay. Marami at mabigat ang problema ng industriya ng pelikula sa Pilipinas. Marami at mabigat ang mga problemang kinakaharap ng mga mamamayan at ng pamahalaan, na ang iba ay masasalamin sa mga pelikula. Kailangang kumilos para sa ikabubuti nang higit na nakararami. Bilang pagtatapos ay ibinigay niya ang linya niya sa Sister Stella:
Marami pa akong hindi alam at dapat malaman tungkol sa mga kasalukuyang kalagayan ng mga sistema ng lipunan. Kailangan ko pang patuloy na mag-aral at matuto. Pero ang mahalaga, ako ay narito na ngayon, hindi na lamang nanonood, kundi nakikiisa sa pagdurusa ng mga nakakarinig, tumutulong sa abot ng aking makakaya. Kaya kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?
Malaman ang linyang ito ni Sister Stella at sa paraang ginamit ito ni Vilma Santos sa araw na siya ay parangalan. Ginamit niya nang mahusay ang pagkakataon na makapagsalita  sa harap ng maraming estudyante, mga kritiko, taga-akademya, direktor at kasamahan sa trabaho. Ang lektyur na ito ay hindi lamang paglalahad ni Vilma sa kaniyang mga naging karansan sa paggawa ng pelikula kundi tungkol din ito sa pagtuturo sa mamamayang Pilipino na mapagyaman, mapangalagaan at higit sa lahat ay matangkilik ang sariling mga pelikula.
Ayon sa nakararami ay naghihingalo na ang industriya ng pelikulang Pilipino. Pansinin natin ang mga kaganapan sa pagpapalabas ng mga pelikula sa Pilipinas. Tinawag na Golden Age ang 1970s at tapos na ito. Noong 2011 ay mas marami pa ang naipalabas na pelikulang mula sa ibang bansa (151 na pelikula) kumpara sa mga ipinalabas na pelikulang Pilipino (78) (Bunoan, 2012). Iuugnay sa sinabi ni Vilma Santos na isa sa mga dahilan ng paghihingalo at unti-unting pagkamatay ng pelikulang Pilipino ay ang sobrang pagtangkilik ng mga Pilipino sa mga dayuhang pelikula na ipinalalabas sa Pilipinas. Bakit nagrereklamo sa sobrang pagtangkilik ng ng mga Pilipino sa mga dayuhang pelikula kung wala naman pala silang mapapanood na mga pelikulang Pilipino? Tama ang sabi ni Santos na hindi kailangang tanggalin ang pagpapalabas sa mga dayuhang pelikula subalit kailangang bigyang priyoridad ang pagpapalabas sa mga pelikulang Pilipino dahil sa pinakaunang banda, sino ba ang nagtatakda ng ideya upang panoorin ang mga dayuhang pelikula? Ang midya. Nagsasabi ang midya na priyoridad daw niya ang interes nang nakararami.
Makikita ang sinasabing paghihingalo ng industriya ng pelikulang Pilipino sa bilang ng mga pelikulang naipalalabas sa bawat taon. Kung susuriin ang lektyur na ibinigay ni Vilma Santos ay sinabi niyang noong 1971 ay nakagagawa ng 251 na pelikula ang mga prodyuser sa bansa. Halos 164 pelikula lamang taon-taon ang nagagawa mula 1996-1999 at bumababa pa ito sa mga 82 pelikula taon-taon noong 2002 hanggang 2003. Sabi niya na noong 2004 ay 55 pelikula na lamang ang nagawa ng mga prodyuser. Noong 2011 ay mas marami pa ang naipalabas na pelikulang mula sa ibang bansa (151 na pelikula) kumpara sa mga ipinalabas na pelikulang Pilipino na 78.
Nakalulungkot dahil makikita ang unti-unting paghina at ang nakatatakot ay ang pagkamatay ng industriyang ito. Sa mga pelikulang Pilipinong nailabas taon-taon ay mapapansing sa taong 2011 ay tumaas ito. Ito ay dahil sa paglago naman ng mga indie film. Maraming independent film ang kinilala sa ibang lugar tulad ng Melancholia (2008) na nanalo sa Venice Film Festival na dinerek ni Lav Diaz, Serbis (2008) sa direksyon ni Brillante Mendoza na nanalo ng prestihiyosong Palm d’Or Arwad sa Cannes, Ploning (2008) sa direksyon ni Chris Martinez na nanalo sa iba’t ibang Asian film festivals at marami pang iba (ABS-CBN.com).
Matagal na ang lekyur na ito ni Vilma Santos at pinatunayan ito ng mga sinabi ni Mathew Scott dahil tumatangkilik ang mga Pilipino sa kanilang sariling pelikula tulad ng dalawang pelikulang kumita ng napakalaki at sinabing naka-break ng box office record: Girl, Boy, Bakla, Tomboy ($9.7 million) at ang Starting Over Again ($11. 3 million) (Variety.com). Itinuturing na pinakamatagumpay pagdating sa kita ng pelikula ang A Second Chance pagkatapos nitong kumita ng $11. 759 milyon (Rappler.com). Subalit hindi pa rin dapat mangampante ang industriya sa paggawa nang mas mahuhusay na pelikulang Pilipino dahil wala pa ring nakahihigit sa kinita ng Iron Man 3 noong 2013 ($12. 685 milyon) at The Avengers noong 2012 ($12. 178 milyon) (listph.com).
Makikita ang muling pagkabuhay ng industriya ng pelikulang Pilipino. Bilang isang Pilipino ay nakikita kong isa sa mga dahilan nito ay ang paggawa ng mga de kalidad na pelikulang hindi lamang nag-iisip na kumita kundi makapagbigay ng kasiyahan, aral at inspirasyon sa lahat.       Hindi sana maging sukatan ang kikitain, kung maliit man ito, upang mapanghinaan ng loob ang industriya na magpatuloy na magpalabas ng mga pelikula. Bagkus, isa itong senyales na kailangan ding tingnan ang lebel ng pag-iisip ng mga manonood dahil maaring ang rason dito ay ang paggawa ng mahihinang kalidad ng pelikula. Sino ang manonod ng pelikulang walang kwenta? Ang kwenta rito ay tumutukoy sa kapaki-pakinabangan ng pelikula. Sa unang banda ay bakit pa ito ginawa?
Para sa matatagumpay na tao, maiintindihan nila ang mga naging karanasan ni Santos sa pagkamit niya ng kaniyang tagumpay.  Ang pagbabahagi ni Santos sa kaniyang mga naging karanasan ay hindi lamang para sa mga taong makaiintindi sa mga naging karanasan niya subalit para rin ito sa mga taong gustong magtagumpay sa mundo ng paggawa ng pelikula. Ipinarating niya na hindi madali ang pagkamit ng tagumpay. Nabanggit niya na noong ipinalabas ang Sister Stella L noong 1984 ay nakasabay nito ang pelikulang pinagbidahan ni Sharon Cuneta na siyang ikinalangaw ng kaniyang pelikula. Sikat na siya noong panahong iyon at ang maranasan ang ganoong pangyayari ay hindi maganda dahil noon ay isa sa mga pinakasukatan ng kasikatan ay kapag pinipilahan ang pelikula. Gaoon pa man ay nagpasalamat pa rin siya dahil itinuturing ngayon na isa sa pinakamahuhusay na pelikulang Pilipino ang Sister Stella L na tumatalakay sa pakikibaka para sa katarungan at ang pagkontra sa gahum ng mga naghaharing pamahalaan. Sa bahaging ito ay makikitang tinitingnan ang pelikula bilang salamin din ng lipunan Pilipino at kasaysayan.




Reperensya
Santos, V. 2005. Kinakaharap at Hinaharap ng Industriya ng Pelikulang Pilipino. http:// www.plarideljournal.org/article/kinakaharap-at-hinaharap-ng-industriya-ng-pelikulang-pilipino/. Retrieved November 16, 2016.http://www.rappler.com/entertainment/news/116583-a-second-chance-highest-grossingfilipino-film-all-time


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento