Seducing the Voters: The Powerful and Limited
Effects of TV Electioneering (Portus)
Karen Y. Ramos
Sa pag-aaral na ito ay
tinalakay ang mga pang-aakit ng mga politiko sa kani-kanilang mga botante. Nilayong
malaman dito ang epekto ng pangangampanya ng mga politiko sa pamamagitan ng
midya.
Nagpapahiwatig ang beses
ng pagpapalabas ng mga impormasyon sa telebisyon, radyo, lathalaan at maging sa
Internet sa kahalagahan ng mga paksa nito na ayon kay McCombs (2004, p. 2), ang
kaalaman tungkol sa mundo ay bunga ng mapagdesisyunan ng midyang malaman ng mga
tao. Nagagawa ng midyang makuha ang atensyon ng publiko upang makuha an g
kanilang interes at mapag-usapan nila ang isang isyu. Dagdag pa niya na
makaaapekto nang malaki sa priyoridad ng publiko ang priyoridad ng midya dahil
nagiging mahalaga sa kanila kung ano ang mahalaga sa midya. Namumulat ang
isipan ng publiko sa paulit-ulit na paglalantad ng mga impormasyong inihahatid
ng midya. Mabubuo ang kanilang interes partikular na sa mga paksang parating
inilalabas sa midya at pinag-uusapan na kadalasan ay mga isyu sa lipunan.
Karamihan sa mga isyung panlipunan ay inilalantad ng midya sa pamamagitan ng
mga palabas sa telebisyon na kinahihiligang panoorin ng mga tao. Ang mga isyung panlipunang ito ay mas
pinag-uusapan tuwing sumasapit ang halalan. Sa pamamagitan ng iba’t ibang
estratehiya ng mga kandidato ay naipararating nila ang nais nilang iparating
lalong-lalo na sa paggamit nila ng mga pulitikal na patalastas.
Ang midya ay ang posisyon
o kalagayang namamagitan upang siyang magdala o maghatid ng mensahe o
impormasyon (Gaboy, 2008). Ang midya ay industriya na pangunahing layunin ay
maabot ang maraming mambabasa ng diyaryo at magasin, manonood ng sinema at
telebisyon, at tagapakinig ng radyo. Hindi maiiwasan ang paggamit ng iba’t
ibang uri ng midya tulad ng babasahing pampahayagan, pinapanood sa telebisyon,
pinakikinggang musika at programa sa radyo, at ang Internet sa pang-araw-araw lalo na ngayong nakikisabay sa mabilis
na pagbabago ng pamumuhay ang teknolohiya. Ang mga midyang ito ay magbibigay ng
impormasyon sa isang mabisang pamamaraan na makaiimpluwensya sa mga taong
gumagamit o komokunsumo nito sapagkat bahagi ang midya sa sosyal na interaksyon
sa pang-araw-araw na bahagdan ng buhay.
Nagbigay si Solis ng
paliwanag tungkol sa ugnayan ng midya at pamumuhay ng tao sa kaniyang lipunan.
Ayon sa kanya, Media and culture are have
become inextricably linked, such that the way we understand ourselves and
create meaning in society nowadays is imperceptibly shaped by media, in the
same way that we also intentionally assign the roles of media in maintaining
social structure (mula sa Campos, Pangilinan, Solis at Tolentino, 2014, p.
22). Tulad ng wika at kultura, batay sa pahayag, ang midya at kultura ay
magkabuhol. Malaki ang ginagampanang papel ng midya sa lipunan sapagkat
hinuhubog nito ang kamalayan ng mga taong komukonsumo nito. Ang pamumuhay ng
tao at kanyang pakikisalamuha sa kapwa ay maaaring lipunang likha ng midya.
Ginagawang libangan ng
mga tao ang midya tulad ng telebisyon na ayon kay Aranda (2014) ay nilalaanan
nila ng mahabang oras upang panoorin ang paborito nilang teleserye. Ang mga
oras na iginugol nila sa paglilibang ay nagdudulot ng positibo at negatibong
epekto sa kanilang pag-iisip at pag-uugali kaya masasabing napakalaking
impluwensya ang naibibigay ng midya sa lipunang Pilipino. Maliban sa mag
teleserye ay kinahihiligan din ng mga tao ang panonood ng mga kompetisyon sa pagkanta,
pagsayaw, at maging sa reality show.
Kinawiwilihan ng mga tao ang panonood sa mga ito lalong-lalo na kung kilala
nila o nagugustuhan nila ang mga tampok na ayon kay Pertierra (2014, p. 158) ay
kompetisyon sa popularidad ang tumutukoy ng lahat mula sa mga reality show patungong eleksyon sa
pagkapangulo.
Ayon kina Kliatchko,
Khan, Ocampo, Pascual at Pernia (2003, p. 116), pinipili ng mga Pilipino ang
mga mamumuno batay sa personalidad at kasikatan at hindi nila gaanong
binibigyang pansin ang kayang nitong gawin pati sa kung ano ang alam ng mga
ito. Dahil dito, binabago ng midya ang mga balita, kwento at lahat ng lumalabas
na isyu na makatutulong upang makabuo ng mas matalinong masa na interesado sa
mga kandidato (mula sa Campos, Pangilinan, Solis at Tolentino, 2014). Maliban
sa pagiging libangan, gampanin ng midya ang magsilbing daluyan ng paghimok at
gabay sa mga mahahalagang pangyayari sa lipunan tulad ng eleksyon. Mahalaga ang
eleksyon sa demokrasya ng bansang tulad ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito, pipili
ang mamamayan ng kandidato at partido na sa tingin nila ay makatutulong ng
malaki sa kanilang bansa.
Inilarawan naman nina Branstetter, Fowler at
Ridout (2012) ang pagbabagong hatid ng midya sa pulitika na malaki ang
pagbabago sa paraan ng pakikipagkumunikasyon kung ikukumpara ito noon
lalong-lalo na sa pulitika. Binabago ng midya ang tradisyunal na pamamaraan ng
mga kandidato sa pangangampanya tuwing darating ang eleksyon. Ang uri ng
paghahatid ng mensahe ng mga kandidato upang sila ay suportahan at iboto ay
sumasabay sa mabilis na pagbabago ng lipunang at midya. Noon ay personal na
nangangampanya ang mga kandidato dahil sila mismo ang pumupunta sa isang lugar
at bahay-bahay ang pagdalaw upang manghimok ng mga botante. Ang pagdayo ng mga
kandidato sa mga lugar ay sinasabayan ng pagpapaskil ng mga poster at campaign paraphernalia na sumusuporta sa kani-kanilang
kandidatura.
Ang
pangunahing midyum ng pulitika sa pangangampanya upang makakuha ng suporta ay
ang patalastas na ayon pa rin kina Branstetter, Fowler at Ridout (2012, p. 2)
ay kadalasang 30-60 seconds lamang na ipinapalabas sa telebisyon upang maghatid
ng impormasyon tungkol sa plataporma ng kandidato, kuwento ng buhay, at ang
lamang nila sa kanilang mga kalaban sa magiging puwesto. Sa paghahanap ng
paraan upang mangampanya, malaki ang naitutulong ng midya sa pamamagitan ng Internet. Umaabot na ngayon ang
pangangampanya sa Internet dahil sa pagtangkilik ng mga Pilipino partikular na
ang kabataan sa mga social networking
site tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at Youtube.
Ayon
kina Capadocia, Gayosa, Rivera, Roselo at Vichangco (2008, p. 73), malaki ang
ginagampanang papel sa kalalabasan ng eleksyon ang pagsubaybay ng mga tao
pamamagitan ng mga inihahatid ng midya at ang kaalaman ng mga tao sa mga
mensahe nito (mula sa Campos, Pangilinan, Solis at Tolentino, 2014, mga pahina
72-82). Ang tagumpay sa pangangampanya ng kandidato ay makikita lamang
pagkatapos ng eleksyon na tutukoy sa kanilang kapalaran. Dalawa lang ang
patutunguhan ng pangangampanya nila, manalo o matalo. Masasabing malaki ang
naitulong ng pangangampanya kapag nanalo ang kandidato sa eleksyon.
Pinaghahandaan
ng mga pulitiko ang eleksyon na isang taon bago ito ay nagsisimula na ang
kani-kanilang pangangampanya para sa tatakbuhang posisyon. Ayon kay Encabo
(2010, p. 1), kadalasan ay makikita sila sa mga mahahalagang pagtitipon tulad
ng mga piyesta, komperensya at iba pang okasyon gaya ng araw ng pagtatapos na
minsan ay sila ang ispeker. Maliban sa mga nabanggit ay nagpapaskil din sila ng
mga banner at streamer na nilalagyan ng kanilang mga pangalan. Ang iba sa mga
kandidatong ito ay lumalabas sa telebisyon upang mag-endorso. Gayundin, laman
ng mga balita ang tungkol sa mga kandidato tuwing panahon ng pangangampanya.
Makikita ang mga kandidato sa iba’t ibang programa sa telebisyon at sa mga
pulitikal na patalastas.
Upang malaman ang mga
pamamaraan ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya ay nagkaroon ng
pag-aaral dito si Portus (2008). Nilayon ng kaniyang pag-aaral ang malaman ang
lawak ng kapangyarihan ng midya partikular na sa eleksyon. Nilayon din nitong
malaman ang dahilan ng pagkatalo ng ibang personalidad sa kanilang katunggali
kahit pareho silang mayroong exposure. Nais din nitong malaman ang impluwensya
ng ibang faktor kung mayroon man.
Napag-alaman na walang
kasiguraduhan ang exposure ng kandidato sa telebisyon upang manalo sa eleksyon.
Maraming kandidato ang natatalo sa kabila ng exposure nila rito katulad ni Rudy
Fernandez na isang aktor at lumalabas sa kaniyang programang Kasangga, Lumalabas sa sarbey na
panghuli siya kahit na lumalabas siya sa kaniyang programa at mayroong exposure. Nagpapakita ito na hindi
binibigyan ng puntos ang kaniyang sikat na imahe sa telebisyon bilang aktor
kung ikukumpara ito sa kaniyang kakulangan ng kwalipikasyon. Sinabi ni Portus
na maaaring sabihing pinakamahusay na midyum ang telebisyon sa pangangampanya,
ngunit magiging epektibo lamang ito kung sasabayan ng ibang faktor tulad ng
mahabang exposure, magandang imahe,
edukasyon, mga nagawa na, at magandang reputasyon.
Batay sa pag-aaral na ito
ni Portus (2008), alam ng mga tao ang dahilan ng paglabas ng mga opisyal at mga
kandidato sa telebisyon. Batay sa sarbey at interbyu na ginawa ng mananaliksik
ay hindi na ignorante ang mga tao sa pamamaraan ng mga politiko sa paglalabas
nila sa telebisyon. 85% ang nagsabi na nagpapalabas ang mga politiko upang
ipakita ang magandang imahe, 75% ang nagsabi na nangangampanya ang mga politiko
sa paglalabas sa telebisyon, 70% ang nagsabi na ito ay para sa susunod na
eleksyon, 47% ang nagsabi na upang magbigay ng impormasyon at 28% ang nagsabi
na upang gastusin ang pera ng mga tao. Ang tatlong unang mga rason ay tinukoy
ni Portus na electioneering na nagsasabi lamang na pinakamotibo ng mga
kandidato ang pangangampanya sa kanilang paglabas sa telebisyon. Dahil sa
kapangyarihan ng teknolohiya, ginamit ito ng mga kandidato sa eleksyon noong
May 2001 at sa mga susunod pang eleksyon, ayon pa rin kay Portus.Sa pamamagitan
ng sarbey na ito ay masasabi nating mulat na ang mga tao at hindi na sila
nauuto. Nakatatawa ang nagsabing upan gastusin ang pera ng mga tao subalit
ipinapakita nito ang lipunang mayroon ang Pilipinas ngayon. Hindi na nauuto.
Marunong nang magmatyag.
Ginamit
ni Portus ang mga teoryang Agenda-Setting at Limited Effects, nalaman sa
pag-aaral na maaring gamitin bilang makapangyarihang pamamaraan ng
pangangampanya ang TV dahil nakaiimpluwensya ito sa mga botante. Ang mga
nakaiimpluwensyang faktor ay ang haba ng exposure sa TV at ang magandang imahe
ng mga kandidato. Mayroon ding iba pang kwalipikasyon tulad ng edukasyon, mga
nagawa na, at ang magandang reputasyon na ikinokonsidera ng mga botante para sa
mga kandidato. Ayon sa pag-aaral, upang maging matagumpay sa eleksyon,
nangangailangan ang kandidato nang higit pa sa kaniyang paglabas sa mga
programa sa telebisyon. Ang Limited
Effect dito ay ang ang hindi garantisadong pagkapanalo ng kandidato sa
pamamagitan ng exposure sa TV dahil sa teoryang ito ayon kay Lazarfeld ay mas
mahalaga pa rin ang edukasyon at estado ng pamumuhay ng tao. Ibig sabihin ay
ang resulta sa eleksyon sa pagpili ng mg tao ng kandidato ay hindi lamang
nakabatay sa kanilang exposure na hatid ng midya kundi dahil din sa ibang
faktor na hindi lamang tungkol sa mga kandidato kundi sa mga boboto.
Base
sa sarbey ay nagsabi ang lahat na boboto sila kay Legarda o Cayetano para sa
senator. Habang ang may mabababang kita ay nagsabing boboto sila kina Joseph
Estrada, Ramon Revilla at Robert Jaworksi. Sina Estrada at Revilla ay pawang
mga kilalang personalidad sa telebisyon, habang si Jaworski ay isang kilalang
basketbolista.
Gayundin,
ang lahat ay nagbigay kay Legarda ng pinakamahusay na performance rating na sinundan naman ni Lim at Cayetano. Marami
nang nagawa si Legarda ayon sa mga respondent upang bigyang paliwannag ang
kanilang sinabi. At ayon sa kanila ay epektibo si Lim sa pagpapatupad ng batas,
habang sinabi nila na matalinong abogado si Cayetano. Ang pareho ring nagbigay
kay Legarda ng mataas na performance
rating ay nagbigay ngayon ng worst
performance rating kay Estrada dahil sa kaniyang poor performance at indecisive; kay Jaworksi para dahil siya ay image-conscious at kay Revilla para sa
kaniyang absenteeism sa mga sesyon
mmg senado. Ang pagbibigay ng poor rating sa performace ni Estrada ng mga nasa
mataas at gitnang uri ay dahil sa kakulangan ng kanilang satisfaksyon sa
kaniyang ginagawa. Nagpapakita ito na ang mas taong nasa ganitong uri ay mas
tumitingin sa positibong kwalipikasyon ng kandidato tulad ng edukasyon, mga
nagawa na at reputasyon.
Ang
mga grupo ng propesyunal, industriyalista at kababihan ay nagbigay kay Lim ng
mas mataas na rating kaysa kay Legarda. Nagpapakita ito ng satisfaksyon sa mga
ginagawa ni Lim noong siya ay DILG secretary pa lamang. Ang mga grupo ring ito
ay nagbigay ng poor performance rating
kina Revilla at Jaworski. Sa Manila, iboboto ng mga kumikita ng mababa si
Imelda Marcos kung tatakbo siyang Mayor, habang ang kumikita ng mataas ay
nagsabing iboboto nila si Lim.
Maaaring midya lang ang tanging paraan upang maging konektado ang
pamahalaan at mga tao sa lipunan. Dahil dito, ipinakilala nina McCombs at Shaw
ang Agenda-Setting Theory at
sinabing midya lamang ang tanging may kontak sa pulitika (1972).
Ang teoryang ito ay mula kina McComb at Shaw noong 1972. Ayon sa teorya,
ang midya ang gumagawa ng agenda upang sundin ng publiko. Lahat ng bagay na
ating iniisip, pinagkaaabalahan at isyung pinag-uusapan, ay base sa ating mga
naririnig at nababasa mula sa iba’t ibang midya. Nagagawa ng midya na kunin ang
ating atensyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga isyu; ipinaparating nila sa atin
na mas importante ang isyung ito kompara sa iba pang isyu sa lipunan. Ang pagtukoy
ng midya sa mga pulitikal na isyu at ang atensyong ibinibigay rito ay siyang
gumagawa ng agenda para sa pampublikong diskusyon. Midya ang pumipili kung alin
ang mas importante at mahalagang malaman ng publiko. Ang katotohanang alam ng
mga tao tungkol sa mga isyung panlipunan ay iyong ipini-presenta ng midya. Ang
paggawa ng mga kandidato ng mga pulitikal na patalastas at pagpapalabas ng mga
ito ay lumilikha ng imahe sa isipan ng mga boboto.
Nalaman
din sa pag-aaral na ginagamit ang TV para magkaroon ng antisipasyon ang mga
botante sa eleksyon kaya nagkakaroon nang sunod-sunod na pagpapalabas ng mga
mga pulitikal na patalastas sa mga programang panserbisyo, talk show, informercials, at iba pang proyekto sa telebisyon buwan
bago ang eleksyon. Pinatunayan din ng pag-aaral ang paniniwala na ang
matagalang exposure sa telebisyon ay
nagdudulot ng name-recall sa mga
botante.
Minsan nang nanguna ang
mga personalidad na parating lumalabas sa telebisyon tulad nina Sotto (199),
Legarda (1998), De Castro (2001), Roxas (2004) at Legarda (2007) subalit batay
sa pag-aaral ni Portus ay hindi sukatan ang paglalabas ng mga kandidato sa
telebisyon upang botohan dahil magiging matagumpay lamang ito kung sasamahan ng
ibang faktor na tinatawag na packaging.
Ang packaging ay ang faktor tulad ng
edukasyong natamo ng kandidato, family
background, mga nagawa na, ugali at iba pa na nagpapakita ng positibo para
sa kandidato. Kaya ang pagkapanalo ng mga nabanggit ay masasabing hindi lamang
sa populariad kundi maituturing na isa lamang ang popularidad bilang faktor. Hindi
maitatanggi ang kapangyarihan ng telebisyon bilang instrumento ng mga kandidato
sa pangampanya. Subalit sa kabilang dako ay malaki rin ang nagagawa nito upang
mabago ang desisyon ng mga botante lalong-lalo na sa mga negatibong balita
tungkol sa mga kandidato.
Reperensya
Aranda,
R. R. (2014). Ang Pamilya sa Loob ng mga
Teleserye sa Telebisyon. Naipresenta sa DLSU Research Congress. De La Salle
Univeristy: Manila, Philippines. Mula sa http://www.dlsu.edu.ph/conferences/
dlsu_research_ congress/2014/ _pdf/proceedings/WCF-002-FT.pdf
Branstetter, J., Fowler, E. F., at Ridout,
T. (2012). Political Advertising in the 21st Century: The Influence of the YouTube
Ad. Western Political
Science Association. Portland, Oregon. Mula sa https://wpsa.research.pdx. edu/
meet/2012/ridout.pdf
Campos,
P., Pangilinan, C., Solis, R., at Tolentino, R. (2014). Communication & Media Theories, eds. The University of the
Philippines Press. UP Campus, Diliman, Quezon City.
Encabo, E. A. (2010). The Filipino Language and Culture in Political Advertisements.
DLSU-Manila. Naipresenta sa 2nd Conference on Filipino as a Global Language.
Hilton Hotel, Mission Valley, San Diego California. January 15-18, 2010. Mula
sa https://larc.sdsu.edu/ images/
larc/encabo-the-filipino-language-and-culture-in-political-advertisements-.pdf
Gaboy, L. L. (2008).
Gabby’s Practical English-Filipino
Dictionary. Mandaluyong City, Philippines: National Bookstore.
Khan, R. E.,
Kliatcho, J. G., De Ocampo, M. L. C., Pernia, E. E., at San Pascual, M. R.
2014. The Rise of the Presidency of Corazon Aquino and Gloria M. Arroyo. P.
Campos, C. Pangilinan, R. Solis, at R. Tolentino (Mga Ed.), Communication and Media Theories (mga
pahina 106-117). UP Campus, Diliman, Quezon City, Philippines.
McCombs,
M E. at Shaw, D. L. (1972). The
Agenda-Setting Function of Mass Media.
Mula sa http://www4.ncsu.edu/~amgutsch/Mccombs.pdf
McCombs,
M. E. (2004). The Agenda-Setting Role of
the Mass Media in the Shaping Public Opinion. http://www.infoamerica.org/documentos_pdf/mccombs
01.pdf
Pertierra,
P. (2014). Etheric Exchange and Heterotopic Technologies. Sa P. Campos, C.
Pangilinan, R. Solis, at R. Tolentino (Mga Ed.), Communication and Media Theories (mga pahina 153-162). UP Campus,
Diliman, Quezon City, Philippines.
Portus, L. M.
(2008). Seducing the Voters: The Powerful and Limited Effects of TV
Electioneering. Plaridel, 5(2). https://www.google.com.ph/?gfe_rd=cr&ei=x8Oqwpl
VDLHf8 AeloJH4Bw&gws_rd=ssl#q=plaridel+philippine+journal.
_______
mediaif.emu.edu.tr/pages/hanife/comm205/week%205.ppt
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento